Muling magdadala ng hiwaga sa bagong henerasyon ng mga manonood ang iWant original fantasy series na “Spirits Awaken,” tampok ang kwento ng anim na teenagers na sasabak sa isang misyong protektahan ang buong mundo at magkasamang makikipagsapalaran sa bagong yugto ng kanilang buhay.
Ang “Spirits Reawaken” ay remake ng iconic 2004 Kapamilya series na “Spirits” at pagbibidahan ng teen stars na sina Grae Fernandez, Jairus Aquino, Bugoy Cariño, Kira Balinger, Chantal Videla, at Patrick Quiroz. Mapapanood na ito simula ngayong Sabado (Nobyembre 17) sa bagong iWant. Maaari namang ma-download ang bagong iWant app sa iOS and Android o ma-access ang iWant sa web browser (iwant.ph) at magrehistro rito nang libre ngayong araw (Nobyembre 15).
Sumikat noong 2004 ang “Spirits” na nilikha at idinirek ni Chito Roño, na siya ring nagdirek ng ilan sa sikat na Filipino films gaya ng “Bata, bata… Paano Ka Ginawa,” “Feng Shui,” at “Dekada ‘70.”
Panibagong bihis naman ang ibibigay ng direktor na si Topel Lee sa “Spirits Awaken” na magpapakilala sa mahiwagang mundo ng anim na kabataang sina Red (Grae), Jesse (Jairus), Nato (Bugoy), Maya (Kira), Gabbie (Chantal), at Lloyd (Patrick). Sama-sama nilang matutuklasan ang kanilang kapangyarihan na gagamitin nila upang iligtas ang mundo laban sa isang malawakang alien invasion.
Habang tinutuklas nila kung paano pagaganahin ang kapangyarihang taglay, tatahakin ng anim na bida ang sari-saring pagsubok ng pagkakaibigan, pag-ibig, at pamilya.
Hindi naman makapaghintay ang maraming netizens na mapanood na ang digital series, magmula nang ilabas ang trailer nito online. May iilan pang tinawag na “innovative” ang “Spirits Reawaken” at pinuri ang ABS-CBN sa paggawa ng mga original na digital series.
“Goosebumps nung pumasok na ‘yung soundtrack. As per the trailer, totally ibang kwento ito from the ‘Spirits’ nina Maja and I think that’s a smart move. I’m loving how ABS-CBN is really making an effort to innovate the viewing choices and practices of Filipinos. Kudos ng malupet! Sana makahabol ang ibang network,” komento ng YouTube user na si Nicko Quinalayo.
Sabi naman ng isa pang YouTube user na si Francis John Conde, “Nice one ABS-CBN! This is what i call innovation. Sana like 45 mins to 60 mins yung per episode and 10 to 15 episodes per season! Ito yung tipong binibigyan talaga ng exposure lahat ng talents nila!”
“Gustung-gusto ko na i-pitch itong remake kahit hindi naman ako kasali at wala akong karapatan para makita at mapanood ng present generation. ‘Yun pala may nakaisip na, ginawa pa! Ganda ng mga exclusive programs natin sa iWant, lalo akong nagiging proud,” papuri naman ng Facebook user na si Sheng Kuo.
Ayon naman sa YouTube user na si Lhar Anthony Moreno Ursais, “Astig, promise… International ang dating. Pa english subtitles niyo ito for upcoming international fans.”
Sa bagong iWant, maaaring mapanood nang libre ng users sa loob ng bansa ang “Spirits Reawaken” sa iOS at Android apps o sa pamamagitan ng web browser. Ang mga user namang may iWant TV app ay kailangan lang mag-update ng bagong bersyon ng app.
Para sa karagdagang updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, at sundan ang @iwant sa Twitter at @iwantofficial sa Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantPH.