News Releases

English | Tagalog

Elsa Droga, brother take home "The Kids' Choice" crown

November 06, 2018 AT 12 : 44 PM

Bigo mang masungkit ang korona sa “Miss Q and A,” hinirang namang kauna-unahang “The Kid’s Choice” celebrity grand winner si Elsa Droga at ang kapatid niyang si Raprap matapos nilang pahangain at patawanin ang kiddie judges at manonood sa kanilang performance noong Linggo (Nobyembre 5).

Nakakuha ang makulit na exhibitions at dance tricks nina Elsa at Raprap ng 69.53% mula sa public text votes. Nag-uwi rin sila ng P500,000 bilang cash prize.

Una nang nabigo ang dalawa na makapasok sa grand finals, pero nabigyan muli ng pagkakataon nang makalusot sila bilang wildcard.

“Dahil sa ‘The Kid’s Choice,’ nabigyan kami ng pagkakataon na mapaayos ang bahay namin. (Para ito) sa mama ko, sa family ko, at mga taong naniniwala sa amin. Pandagdag din po ito ng puhunan para magkanegosyo uli mama ko,” sabi ni Elsa na lubos nagpapasalamat sa kanilang pagkapanalo.

Noong Sabado (Nobyembre 3), inuwi naman ng Santos family ang kampeonato nang painitin nila ang dance floor sa buwis-buhay nilang dance number. Nakuha nila ang 26.92% ng total text votes at nag-uwi rin ng P500,000.

Panalo rin ang back-to-back finals ng “The Kids’ Choice” noong weekend matapos nitong magtala ng 24.8% noong Sabado, kumpara sa “Daddy’s Gurl” (18.4%), ayon sa datos ng Kantar Media. Tinutukan din ito noong Linggo sa pagtala nito ng 26.8%, at tinalo ang “Studio 7” na nakakuha lang ng 16.5%.

Kasama sina Robi Domingo at Eric Nicolas, pinangungunahan ang “The Kids’ Choice” ng “The Just Kids League,” ang mga batang huradong kinabibilangan nina Xia Vigor, Chunsa Jung, Jayden Villegas, Carlo Mendoza, at Onyok Pineda.