Pagaling nang pagaling at patindi nang patindi ang bakbakan ng bosesan sa ikatlong taon ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime” matapos nitong pangalanan ang ikalawang TNT Record Holder nitong si John Mark Saga na nakuha ang ikasampung panalo niya sa daily round noong Miyerkules (Disyembre 5).
Si John Mark ang unang singer mula Luzon na naabot ang record na ito, pagkatapos itong makuha sa unang pagkakataon ni Elaine Duran ng Mindanao noong Setyembre.
Ito naman ang unang pagkakataon sa tatlong taon ng pinakamalaking singing competition sa bansa na nagkaroon ito ng TNT Record Holders, kaya naman ngayon pa lang ay inaasahan na ang magiging banggaan ng dalawa sakaling makapasok sa grand finals si John Mark.
Nauna nang nakapasok sa grand finals ng “Tawag ng Tanghalan” Year 3 si Elaine, samantalang ipagpapatuloy pa ni John Mark ang laban niya sa ikalawang semifinals ng kasalukuyang season.
Sa kanyang pinakahuling performance bilang defending champion, inawit ni John Mark ang “Ikaw” ng huradong si Yeng Constantino at nakakuha ng standing ovation at 97% na score mula sa mga hurado.
Kagaya ni Elaine, pinapili rin si John Mark mula sa tatlong regalong handog ng kumpetisyon sa kanya bilang isang TNT Record Holder. Sa huli, pinili niya ang karagdagang cash prize na P50,000, laban sa pagkakataong makapag-record ng single sa TNT Records at ang special power na piliin ang mga kantang aawitin niya at ng kanyang mga makakatapat sa semifinals. Mauuwi naman ni John Mark ang kabuuang P310,000 na cash prize.
Hatid ni John Mark ang isa lamang sa maraming kwento ng inspirasyon, pag-asa, at pagpupursige para maabot ang pangarap na napapanood araw-araw sa “Tawag ng Tanghalan.” Isang musical director at vocal coach mula Cavite, una nang ibinahagi ni John Mark ang kanyang talento sa Quarter 1 semifinals ng ikalawang season ng “Tawag ng Tanghalan.”
Huwag palampasin ang matinding labanan sa kantahan sa “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime,” tuwing tanghali sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167). Para sa past episodes ng programa, pumunta lamang sa iWant o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.