ABS-CBN DocuCentral’s documentary “’Di Ka Pasisiil” on the Marawi siege won a Gold World Medal at the 2018 New York Festivals World’s Best TV & Films (NYF), leading the Kapamilya winners in the prestigious competition.
Pinangunahan ng “Di Ka Pasisiil” dokyu tungkol sa Marawi ng ABS-CBN DocuCentral ang mga Kapamilyang namayagpag sa 2018 New York Festivals World’s Best TV & Films sa Las Vegas, USA.
Tinanggap ng mga reporter na sina Jeff Canoy at Chiara Zambrano kahapon (Abril 10) ang Gold World Medal award para sa natatanging obra sa kategoryang Coverage of a Continuing News Story ng prestihiyosong kompetisyon.
Nagwagi rin ang nangungunang media at entertainment company sa bansa ng Silver World Medal sa kategoryang Cinematography para sa dokumentaryong “Local Legends: Bandurria” ng ANC, at isang Bronze World Medal naman sa kategoryang Station/Image Promotion para sa kampanyang “To Love and To Serve” ng ABS-CBN Creative Communications Management.
Ani Jeff sa Twitter, para sa mga kapwa nila mamamahayag, at sa mga sundalo at sibilyan sa Marawi ang kanilang tinanggap na award. Parehong nagbalita sina Jeff at Chiara sa Marawi noong kasagsagan ng giyera.
Dagdag pa ni Chiara sa kanyang talumpati matapos tanggapin ang tropeo, patuloy silang magbabahagi ni Jeff ng mga kuwento ng kabayanihan at pag-asa habang muling binubuo ng mga sundalo at residente ang kanilang mga buhay at bayan.
Unang ipinalabas ang “Di Ka Pasisiil” ng 3:30pm noong Agosto 13, 2017, tatlong buwan mula nang magsimula ang labanan sa Marawi. Napanood sa dokyu ang mga pagbabagong dulot ng giyera at king paano sumaklolo ang mga sundalo para maipagtanggol ang Marawi sa mga terorista.
Naging finalist din sa NY Festivals ang isang episode ng “Mukha” na may parehong titulo, na tinampok naman ang mga personal na kuwento nina Jeff at Chiara tungkol sa Marawi.
Samantala, sinundan naman ng “Local Legends: Bandurria” ang buhay at paglilikha ng isang master guitar-maker sa Pampanga, habang mala-tulang ibinahagi sa “To Love and To Serve” ang pagmamahal ng isang “Kapamilya,” at ang paglilingkod ng ABS-CBN sa mga Pilipino sa pamamagitan ng iba’t ibang serbisyo at produkto.
Daragdag ang mga medalyang ito mula sa New York Festivals sa mga natanggap na pagkilala ng ABS-CBN Newss ngayong 2018.
Kamakailan lang, tumanggap ang ABS-CBN ng ikaapat na Best TV Station award mula sa Eastern Visayas State University-Ormoc City Campus (EVSU-OCC) Student’s Choice Mass Media Awards. Sa 17 awards na iginawad, labing-isa ang naiuwi ng Kapamilya network kabilang ang Best News Program para sa “TV Patrol,” Best Morning Show para sa “Umagang Kay Ganda,” at Most Influential Public Service host para sa “Failon Ngayon” host na si Ted Failon.