DZMM brought joy, new knowledge, and public service to almost 700 women in the recently concluded “HaPINAY Day: DZMM Buntis Congress” last May 20 at Robinsons Place Las Piñas Activity Center. Originally focused on expectant mothers, the “Buntis Congress” this year was expanded to serve more women, including elderly and single women.
Naghatid ng saya, bagong kaalaman, at serbisyo-publiko sa halos 700 na kababaihan ang DZMM sa ginanap na “HaPINAY Day: DZMM Buntis Congress” nitong Mayo 20 sa Robinsons Place Las Piñas Activity Center. Ngayong taon, hindi lang mga nagdadalang-tao ang kasali sa “Buntis Congress,” na mas pinalawak para paglingkuran din pati mga nanay, lola, tita, at dalaga.
Ayon kay DZMM station manager Marah Faner-Capuyan, mahalaga na alagaan ng mga babae ang kanilang kalusugan lalo na ang mga nanay at nagdadalang-tao na madalas ay nakakalimutan ang pag-aayos ng sarili dahil abala sa pangangalaga sa pamilya.
“Alam po nating napaka-busy at maraming ginagampanang pangangailangan para sa sarili at sa pamilya ang mga kababaihan, kaya nandito po kami ngayon, kasama ang ating mga DZMM anchors para personal na makasalamuha kayo at magbigay ng praktikal at importanteng tips na pwedeng gamitin sa pang-araw-araw,” dagdag pa niya.
Bukod sa “Buntis Tips” mula kay Dra. Bles Salvador ng programang “Dra. Bles @ Ur Serbis,” naghatid din ng “Ganda Tips” si “Ma-Beauty po naman” anchor Cory Quirino at DZMM resident dermatologist Dr. Luisa Ticzon-Puyat para sa pagpapanatili ng kagandahan at magandang pangangatawan. Nagpayo rin si Dr. Lulu Marquez ng programang “Private Nights” sa mga isyung pangmag-asawa, habang “Wais Tips” ang ibinahagi ni Atty. Claire Castro ng “Usapang Campanilla” at Vic Garcia ng “Tulong Mo, Pasa Ko, ” na tumalakay sa mga isyung legal at pinansyal.
Tinalakay din sa programa, na hinost nina Ahwel Paz at Niña Corpuz-Rodriguez, ang “Pinggang Pinoy” kasama ang nutritionist na si Jovina Sandoval, ang mga uso sa fashion kasama ang blogger na si Katrina Ruth Ramos, at tamang pangangalaga sa mga batang may special needs kasama si Joey Ambalada ng Winged Wonder Institute of Education. Nagbahagi rin si Niña ng tips mula sa libro niyang “How to Raise a Superstar.”
Para sa 23-anyos na inang si Carmina Cornejo ng Brgy. Aldana, Las Piñas, ikinatuwa niyang makasama sa ika-16 taon ng “Buntis Congress.”
“Masaya. First time lang namin pero ang dami-dami na naming natutunan. Salamat sa DZMM sa pagkakataong ganito kasi nagsasama ang mga nanay at mga babae para mag-share ng mga kwentong nanay,“ saad ni Carmina.
Iba’t-ibang organisasyon ang katuwang ng DZMM sa proyektong ito kabilang ang Department of Health (DOH) at Midwives Foundation of the Philippines, Inc. Kwento ng isang miyembro nitong si Beth Dumaran, nagagalak siyang maging parte ng “Buntis Congress” sa matagal na panahon
“Lahat kami sa organisasyon namin masayang makatulong at maging partner ng DZMM. Satisfied ang mga nanay at may follow through kung ano’ng nangyari sa kanila pagkatapos. Lagi naming sinasabi, ibahagi mo natutunan mo dito, i-verify mo pag-uwi. Dalhin mo at ipasa sa komunidad,” pagbabahagi pa niya pagkatapos ng kanyang lecture tungkol sa pangangalaga ng bagong-silang na sanggol.
Maliban sa bagong kaalaman, naghatid rin ng kilig at papremyo ang DZMM sa mga “HaPINAY” sa tulong nina Joshua Marquina, Markki Stroem, at ang prince of RnB na si Jay-R. Nanalo naman ng “Baby Showcase” ang apat na buwang buntis na si Rosalyn Ladera ng Sitio Pugad Lawin sa Las Piñas para sa kanyang pangalawang anak.
“Masaya po ako. Sobrang saya at hindi ko po kayang bilhin itong napanalunan ko, malaking bagay ito sa akin,” pagbabahagi pa niya. Panalo rin sina Alice Tanada bilang “Gandang Pinay” at Janet Zaldriaga bilang “Gandang Buntis.”
Samantala, patuloy ring tinatangkilik ng mga Pilipino ang DZMM Radyo Patrol 630. Ayon sa survey ng Kantar, nananatili pa rin ang DZMM Radyo Patrol 630 bilang numero unong AM radio station sa Mega Manila base sa radio survey na isinagawa ng Kantar Media mula Marso 19 hanggang 25, 2018. Nakakuha ng 34% na audience share sa AM band ang DZMM, malayo sa 27% ng DZBB, at 15% ng DZRH.
Para sa karagdagang impormasyon sa DZMM, sundan lang ang @DZMMTeleRadyo sa Twitter at Facebook o pumunta sa www.dzmm.com.ph. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.