Filipino football fans will get to witness the championship match of one of the most prestigious football tournaments in the world LIVE this Sunday (May 27), 2:35 am with the telecast of the UEFA Champions League (UCL) Final on ABS-CBN S+A.
Matutunghayan ng LIVE ng Pinoy football fans ang kapana-panabik na labanan ng Real Madrid at Liverpool para sa korona sa prestihiyosong UEFA Champions League (UCL) ngayong Linggo (Mayo 27), 2:35 am sa ABS-CBN S+A.
Nais pitasin nina Cristiano Ronaldo at Real Madrid ang kanilang ika-13 na titulo sa torneo kontra kay Momahed Salah at sa Liverpool sa NSC Olimpiyskiy Stadium sa Kyiv, Ukraine. Sakaling manalo, ito na ang ikatlong-sunod na titulo ng koponan ni Zinedine
Zidane sa UCL, habang umaasa naman ang mga bata ni Jürgen Klopp na makabawi matapos matalo sa Finals kontra A.C. Milan noong 2007.
Kaabang-abang ang banggaan ng dalawang bigating striker sa mundo ng football ngayon na sina Ronaldo at Salah. Nangunguna ngayong season si Ronaldo sa liga sa kanyang 50 goals, kung saan siyam ay na-iskor niya sa kanilang huling sampung laro. Baguhan man sa UCL Final, hindi naman magpapahuli si Salah, na naka-48 goals na rin. Napakaganda ng taon para sa pambato ng Egypt na ginawaran ng Golden Boot sa English Premier League at tinanghal na 2018 FWA Footballer of the Year.
Pamumunuan ni Salah ang atake ng Liverpool katulong sina Sadio Mane at Roberto Firmino para masungkit ang ika-anim na tropeo sa UCL ng Liverpool pero kailangan muna nilang lagpasan ang Los Blancos sa pangunguna nina 5-time Ballon d’Or awardee na si Ronaldo, Karim Benzema, at Gareth Bale.
Simula Disyembre 2017, nagkaroon na ng pagkakataon ang mga Pilipino na mapanood ng LIVE ang ilang mga laro sa English Premier League, La Liga, at UEFA Champions League sa pagkakasundo ng ABS-CBN Integrated Sports at ng Triple CH, isang holding company na naka-base sa Hong Kong.
Huwag palampasin ang umaatikabong bakbakan sa football sa Europa tampok ang Real Madrid at Liverpool sa UCL Finals ngayong Linggo (Mayo 27), 2:35 am sa S+A. Para sa karagadagang mga istorya at impormasyon, bumisita lamang sa
sports.abs-cbn.com at sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook at Twitter. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang
www.abscbnpr.com.