Viral ang sari-saring reaksyon ng mga manonood para sa inaakalang pagkamatay ni Cardo (Coco Martin) sa “FPJ’s Ang Probinsyano” noong Lunes (Hulyo 9) kaya naman umani ang palabas ng nakakatuwang memes, tweets, at maging reaction videos na patuloy kumakalat sa social media.
Halos isang milyon views na ang video post ng Facebook user na si Kathleen Maceda, kung saan ipinakita ang paghihiyawan nila ng kanilang buong pamilya nang malamang paniginip lang pala ang kamatayan ni Cardo. Higit kalahating milyong views naman na ang video ni Nestor Cordero na nakunan ang pag-iyak at pagiging apektado ng isang bata nang makita nitong wala nang buhay ang bida ng serye.
May memes din na kumakalat online gaya na lang ng litrato ni Cardo na may caption na “Sa panaginip niyo lang ako mapapatay” at “Prutas na hindi namamatay --- Avocardo” na napukaw ang pansin ng netizens.
Sari-saring tweets din ang bumuhos dahil sa eksena, kaya naging top trending topics ang mga salitang Cardo at Ang Probinsyano sa Twitter.
Sabi ni @Yassified_28, “’Yung pang Hollywood talaga ang bawat eksena. This is the only show with decent story line talaga! Iba from musical scoring to every single detail, the best talaga!”
“Iba’t ibang emosyon ang ipinaparamdam kaya mas kanakapitan namin. Salamat dahil hindi kayo predictable. Mas pasabikin niyo pa kami,” tweet naman ni @itzbubblymaria.
“OMG! Akala ko mabibitin ako sa episode ngayon. Thank you Dreamscape, laging hindi inaasahan ang mga eksena,” sabi ni @AnneDeTorres.
Maaksyon nga ang naging tagpo noong Lunes matapos akalain ng lahat na patay na si Cardo nang walang habas itong barilin ni Marco (JC Santos) habang itinatakas niya ang asawa niyang si Alyana (Yassi Pressman). Pero isa lamang pala itong masamang panaginip ni Alyana, na naging daan para magbukas muli ang puso para sa asawa.
Dahil nga sa makapigil-hiningang tagpo, nagrehistro ang “FPJ’s Ang Probinsyano” ng 43.7%, kumpara sa “The Cure” 17%, ayon sa datos ng Kantar Media, at nanatiling pinakapinapanood na programa sa buong bansa.
Tutukan ang “FPJ’s Ang Probinsyano,” gabi-gabi sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang
www.abscbnpr.com.