“Tawag ng Tanghalan” makes history once again as it assembles today’s best singers to form TNT Records, the home of original Pilipino music’s (OPM) new generation of artists and fresh sound.
Muli na namang gagawa ng kasaysayan ang pinakamalaking singing competition sa bansa na “Tawag ng Tanghalan” sa paglulunsad ng TNT Records, ang magiging tahanan ng bagong tunog at musika ng bagong henerasyon ng original Pilipino music (OPM).
Sa unang pagkakataon sa bansa, nagbigay-daan ang isang singing competition sa pagbuo ng isang record label na maghahandog ng panibagong OPM sound. Ito ay binuo at tatakbo sa ilalim ng gabay ng ABS-CBN at Star Music.
Pumirma na ng kontrata sa TNT Records ang ilan sa unang artists na kasama sa pamilya nito, kabilang na ang worldwide sensation at Pinoy pride na TNT Boys at ang bagong grand champion at ang tinaguriang New Gem of OPM na si Janine Berdin.
Kasama rin sa TNT Records ang folk-rock mover na si Ato Arman, ang powerhouse performer na si Eumee, ang songsmith na si Froilan Canlas, ang ballad prince na si Anton Antenorcruz, ang all-out teen diva na si Arabelle Dela Cruz, ang spectacular performer na si Reggie Tortugo, and inday wonder na si Sheena Belarmino, at Mr. Rhythm na si Steven Paysu.
Pinagsamang lakas at talento naman ang angkin ng mga grupong Cove na binubuo nina JM Bales, Christian Bahaya, at Sofronio Vasquez, at ang bagong bandang biritera na Bukang Liwayway nina Lalainne Araña at Pauline Agupitan.
Sa pamamagitan ng TNT Records, mabibigyang pagkakataon ang mga mang-aawit na minahal ng sambayanan na malinang ang kanilang talento at ipakita ang kanilang musicality.
Asahan ding maraming orihinal na awitin ang ire-release ng artists na mabubuo sa pagtutulungan at pagsasama-sama ng lumalaking pamilya ng TNT na binubuo ng singers, composers, at arrangers.
Una na rito ang single ni Eumee na pinamagatang “Bratatat” at ni Janine naman na “Biyaya,” na parehong isinulat ng TNT Records music producer na si Chochay Magno.
Bago pa man ang paglulunsad ng TNT Records, gumawa na ng marka online sa puso ng mga tagapakinig ang TNT singers sa pamamagitan ng YouTube channel naTNT Versions o TNTV, kung saan binabalik-balikan ang ekslusibong renditions ng mga awitin ng TNT singers.
Sa ngayon ay nakahamig na ito ng higit sa 120,000 subscribers. Ilan sa mga pinakapinanood na covers nito ay ang “Flashlight” ng TNT Boys (2.1 million views), “With A Smile” ni Janine (1.4 million views), at “So It’s You” ni Sam (702,000 views).
Lumaki na rin ang channel mula nang ilunsad ito noong nakaraang taon dahil mayroon na rin itong online show na “TNTV NOW,” kung saan umuupo bilang guests ang iba’t ibang OPM icons, gaya nina Yeng Constantino, Jaya, Kyla, at Ogie Alcasid para makipagkwentuhan at makipag-jamming.
Tuloy-tuloy naman ang projects para sa TNT singers, kasama na sina Sam Mangubat, Marielle Montellano, at Noven Belleza na namamayagpag sa kanilang mga awitin bilang bahagi ng Star Music family.
Samantala, sasabak naman ang TNT singers sa kanilang kauna-unahang major concert na “TNT All-Star Showdown” na gaganapin sa Araneta Coliseum sa Hulyo 28 at produced ng TNTV, Star Events, at ABS-CBN Events. Makakabili na ng tickets sa Ticketnet outlets at sa Araneta Coliseum Box Office. Tawagan lamang ang 911-5555 o mag-log on sa
www.ticketnet.com.ph.
Mag-subscribe naman sa TNT Versions sa
www.youtube.com/tntversions o i-like ang
www.facebook.com/tntversions o sundan ang @tntversions sa Twitter at Instagram.