Eight communities, including six from Mindanao, will get to jumpstart their own projects such as ecotourism sites and heritage and wellness villages to help uplift the lives of their people through “The Quest for Love,” a nationwide search that will soon air on ABS-CBN’s “G Diaries,” hosted by Gina Lopez.
Walong komunidad, kabilang ang anim mula sa Mindanao, ang bibigyan ng suporta para maglunsad ng mga proyektong pang-turismo at hanapbuhay na magpapaunlad ng kanilang buhay bilang finalists sa “The Quest for Love” nationwide search, na mapapanood sa programang “G Diaries” ni Gina Lopez sa ABS-CBN.
Ipinakilala ni Gina ang mga napiling komunidad sa isang press conference noong Huwebes (Hulyo 19) sa ABS-CBN kung saan nakasama niya ang mga pinuno ng mga katuwang na organisasyon ng ILOVE Foundation at mga eksperto sa pagnenegosyo sa pangunguna ng dating dean ng Asian Institute of Management na si Dr. Eduardo Morato, na isa sa mga huradong pumili ng mga nanalo.
Kabilang dito ang Lake Sebu Indigenous Women Weavers Association ng South Cotabato na balak gumawa ng heritage village para sa mga T’boli; Health Futures Foundations, Inc. na galing ding South Cotabato, na wellness village para sa Bla’an tribe ang gagawin; Yellow Boat of Hope Foundation ng Zamboanga na may mga ecotourism na plano para sa Sama-Bangui tribe; Busikong Greenland Multi-purpose Cooperative ng Maguindanao na nais gumawa ng center para sa organic farming para tumulong sa pagbawas ng kahirapan sa ARMM; at Federation of Kape Maramag ng Bukidnon, na aagapay naman sa pagbebenta ng produkto ng mga magsasaka ng Maramag.
Panalo rin ang Aggrupation of Advocates for Environmental Protection ng Sorsogan na gustong gumawa ng marine sanctuary at beach park sa Bulusan; University of Cordilleras ng Benguet na balak palakasin ang turismo sa lugar nang pinangangalagaan ang kalikasan; at Mindanao State University ng Tawi Tawi na nais pasikatin ang coral reefs sa Simunul Island.
Inilunsad noong Marso, proyekto ang “The Quest for Love” ng Investments in Loving Organizations for Village Economies (ILOVE) Foundation na itinatag ni Gina para palaganapin ang kaunlaran sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang mag-negosyo o magsimula ng proyekto.
Ani Gina, hangarin ng “The Quest for Love” na bigyan ng lakas ang mga komunidad sa malalayong lugar at gawin ang mga itong lugar para sa iba’t ibang industriya at hanapbuhay tulad ng ecotourism, forestry, at fishery.
“Sa ating pag-gabay sa kanila at pagpapaabot ng tulong, nagkakaroon sila ng kakayahang suportahan ang sarili at paghandaan ang kanilang kinabukasan,” aniya.
Tatanggap ng P 100,000 ang walong nanalo at sasailalim sa mentoring at support program. Ilan sa magsisilbing mentor sa kanilang ang aktor at negosyanteng si Marvin Agustin, kilalang social entrepreneur na si Illac Diaz, at marami pang iba. Madali rin silang makakukuha ng tulong sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Trade and Industry (DTI) na bahagi rin ng “The Quest for Love.”
Napili ang walo mula sa 16 grupong sinala mula sa 128 na aplikanteng nagpadala ng kanilang mga ideya online. Mapapanood ang kwento ng bawat nanalong komunidad sa “G Diaries,” na kasalukuyan nang binibida ang mga magagandang lugar at proyektong pang-komunidad sa bansa. Ani Gina, ang mga batikang grupo sa produksyon ng ABS-CBN ang nasa likod ng kanilang gagawing reality TV na feature.
Ipinapalabas ang “G Diaries” tuwing ikalawang Linggo ng buwan bago mag ”ASAP” sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Manood online sa iwantv.com.ph o skyondemand.com.ph. Bisitahin ang QuestforLove.ph para sa ibang impormasyon at sundan ang @GdiariesPH sa Twitter at @GDiaries sa Facebook. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.