Over a hundred students turned a rainy Friday night into a bright and sunny one as they listened to inspiring talks on positivity and kindness in the launch of “The Happinews Project” in UP Diliman.
Sa kabila ng matinding pag-ulan, nagliwanag ang gabi ng mahigit isang daang kabataan sa UP Diliman kamakailan lang sa “good vibes” na dala ng “The Happinews Project,” isang kilusang humihimok sa mga Pilipino na magbahagi ng mga positibong kwento sa social media.
Bagong kaalaman at inspirasyon upang matapatan ang masasamang balita at awayan sa internet ang naiuwi ng mga estudyante sa paglulunsad ng proyekto sa UP Bahay ng Alumni.
Kasalukuyang may mahigit isang libong kasapi ang “The Happinews Project” group sa Facebook, kung saan nagpapalitan ang mga miyembro ng masasayang kwento at nagbibida ng kabutihang loob ng mga tao.
Para mas marami pang maengganyo, darayo rin ito sa Unibersidad ng Santo Tomas at Far Eastern University kasama ang “Happinews” ambassador na si Gretchen Ho at iba pang personalidad na maghahatid ng inspirasyon sa mga Pilipino.
Ani Gretchen, kailangan mas marami pang positibong storya ang maikalat sa social media, tulad na lang ng pagtulong sa kanya ng mga kababayan sa London noong manakawan siya roon.
“Nawalan ako ng gamit pero naranasan ko ang kabaitan ng mga Pinoy. Kahit ganito ang nangyari sa akin, mayroon pa ring better side ‘yung story,” sabi niya.
Tulad niya, nagbahagi rin ng kaalaman kung bakit at paano maging positibo ang iba pang speaker na sina ABS-CBN Creative Communications Management division head Robert Labayen, na pinamumunuan ang grupong gumagawa ng mga Station ID ng ABS-CBN, Dr. Rosel San Pascual ng UP, Issa Cuevas-Santos ng Gawad Kalinga, at ang dating ring mag-aaral sa UP na si Miggy Bautista, na nagawang makatapos sa kabila ng kanyang kapansanan.
Ani Dr. Rosel, kailangang matuto ang mga Pilipino na makipag-diskusyon at maglahad ng pananaw nang may respeto, maging sa social media. Si Issa naman, pinaalalahanan ang mga kabataan na hindi laging dapat magpakabayani o bida at minsan sapat na ang maging mabuting tao.
Pinuri naman ng isang estudyante, si Loudette Tejada, ang “The Happinews Project,” na sinimulan ng ABS-CBN Integrated News & Current Affairs. Aniya, magandang ideya ang paggawa ng grupong magpapakalat ng “happy vibes” sa mga Pilipino.
Para sa impormasyon sa proyekto, sumali sa “The Happinews Project” group sa Facebook (facebook.com/groups/HappiNews), sundan ang @ABSCBNNews sa Facebook at Twitter, at bisitahin ang news.abs-cbn.com. para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram or bumisita sa www.abscbnpr.com.