News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, inilunsad ang “One Love, One Pinas” sa Araw ng Kalayaan

August 16, 2018 AT 03 : 55 PM

ABS-CBN pays tribute to the good qualities of Filipinos through the “One Love, One Pinas” campaign, which was launched on June 12 as the nation celebrated its 120th year of independence.


Hinihikayat ng ABS-CBN ang mga Pilipino na ipagmalaki ang kagandahan ng bansa sa pamamagitan ng kampanyang “One Love, One Pinas,” na inilunsad noong Araw ng Kalayaan nitong Hunyo 12 kasabay ng flag-raising ceremony ng Kapamilya network.  

Isang espesyal na music video ang ipinakita ng ABS-CBN tampok ang mga Pilipinong maaaring maging inspirasyon sa sambayanan dahil sa mga mabubuting asal na isinasabuhay nila. Kasama rito ang malikhaing bus-owner na si Kim Obiso, ang nag-imbento ng “Jeepeoke” sa Cebu na nagpapasaya sa mga sakay nito; ang masipag na mangingisda sa Miag-Ao na si Ramon Montalbo at ang matiyagang magsasakang si Bonifacio Villarena na kahit kailanman hindi sumusuko sa kahirapan; at ang mapagbigay na public school teacher na si Jimmy Conil na bumabyahe sa mga barrio para magturo sa mga bata doon.

Ayon kay ABS-CBN chairman Mark Lopez, nilalayon ng “One Love, One Pinas” na himukin ang mga Pilipino na ipagmalaki ang tunay na kayamanan ng bansa: ang mga mabubuting tao at magagandang asal ng kultura natin tulad ng pagiging matapat sa kapwa, pagmamahal sa pamilya, at pananalig sa Diyos.

Aniya, patuloy na pagsisikapan ng Kapamilya network ang makatulong sa pagpapayaman ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng ABS-CBN Regional, na binubuo ng 33 himpilan sa iba’t ibang probinsya at nagdiriwang ngayon ng ika-30 anibersaryo nito.  

Nanguna sa flag-raising ceremony sina Jorge Carino at Doris Bigornia ng ABS-CBN News at nagtanghal ang University of Santo Tomas Choir, na umani na ng karangalan sa labas ng bansa.

Maaaring makibahagi ang mga Kapamilya sa “One Love, One Pinas” sa pamamagitan ng pagpo-post ng mga kwento, larawan, o videong nagpapakita ng kulturang Pilipino, mga dinarayong tanawin, mga masarap at kakaibang pagkain, at maski mga tao mismo, gamit ang hashtag na #OneLoveOnePinas.

Panoorin ang “One Love, One Pinas” video sa YouTube at Facebook page ng ABS-CBN. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Twitter, Facebook, at Instagram o pumunta sa www.abscbnpr.com