News Releases

English | Tagalog

Kapamilya child stars, kikilatis ng talento bilang mga hurado sa "The Kids' Choice"

August 27, 2018 AT 04 : 01 PM

Mas mapupuno ng saya ang weekend family bonding ng mga manonood sa pag-uumpisa ng “The Kids’ Choice,” ang pinakabagong Kapamilya talent-reality competition kung saan sa unang pagkakataon, mga bata naman ang bibigyang kapangyarihang kumilatis ng mga talento simula ngayong Sabado at Linggo (Setyembre 1 at 2).

Sa pangunguna nina Robi Domingo at Eric Nicolas, ang “The Kids’ Choice” ay isang orihinal na konsepto na kinabibilangan ng “The Just Kids League,” ang mga batang huradong huhusga sa performances ng mga “Fam-bato” o magkakapamilyang contestants na linggo-linggong magpapakitang gilas sa entablado.

Kasama sa “The Just Kids League” ang worldwide trending social media sensation na si Xia Vigor na hinangaan para sa kanyang performances sa “Your Face Sounds Familiar Kids” at maging sa pag-arte sa pagbida niya sa Kapamilya seryeng “Langit Lupa.”

Hurado rin si Onyok Pineda, ang kilalang batang sidekick sa “FPJ’s Ang Probinsyano” at isa rin kinabiliban sa mahusay niyang transformations sa “Your Face Sounds Familiar Kids.”

Dadalhin naman ng viral child wonder na si Carlo Mendoza, na sumikat sa “Gandang Gabi Vice,” ang kanyang gigil na mga hirit na magdadag saya sa weekend ng mga manonood.

Katatawanan din ang dala ni Chunsa Jung na linggo-linggong napapanood sa “Goin’ Bulilit” at kinakitaan din ng talento sa pagpe-perform sa “Your Face Sounds Familiar Kids.”

Ang talented skater boy naman na si Jayden Villegas na una nang natunghayan sa “Little Big Shots,” ang kukumpleto sa “The Just Kids League.”

Kada episode, apat na “Fam-bato” ang magpapakita ng iba’t ibang talento at susubukang pabilibin ang kiddie judges upang hirangin silang “The Kids’ Choice.” Ngunit bukod sa tagisan ng galing, matutunghayan din ang kwento ng bawat pamilyang kalahok na siguradong kapupulutan ng aral at inspirasyon ng mga manonood.

Panoorin ang nag-iisang talent competition kung saan bata ang may last say, ang “The Kids’ Choice” simula ngayong Sabado at Linggo (Setyembre 1 at 2) sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Para sa karagdagang impormasyon, i-like at i-follow ang palabas sa Facebook (www.facebook.com/TheKidsChoicePH), Twitter (@TheKidsChoicePH), at Instagram (@TheKidsChoicePH).