News Releases

English | Tagalog

Mga Boholano, natuto sa pagnenegosyo sa “My Puhunan” Kabuhayan Caravan

August 07, 2018 AT 05 : 46 PM

Watch the program’s visit to the “Heart of the Philippine Islands” with anchor Karen Davila this Tuesday (August 7), where they will also meet one of the province’s success stories in Bohol Bee Farm founder Vicky Sandidge.

Mga nanay sa Bohol naman ang nabigyan ng kaalaman at inspirasyon sa pagnenegosyo sa pagbisita ng Kabuhayan Caravan ng “My Puhunan” sa Visayas upang ipagdiwang ang ika-limang anibersaryo ng programa.

Mapapanood ang pagdating nina Karen Davila sa sa tinaguriang “Heart of the Philippine Islands” ngayong Martes (Agosto 7), kung saan tampok din ang makabuluhang panayam niya sa isang pambato ng probinsya sa pagnenegosyo, si Vicky Sandidge, ang may-ari ng tanyag na Bohol Bee Farm.

Bago nakamit ang tamis ng asenso, pait ng nakaraan ang pinagdaanan ni Vicky na maagang nawalan ng unang asawa. Para masuportahan ang mga anak ay nangibang bansa siya bilang nars. Makalipas ang ilang taon sa Amerika, bumalik siya sa Pilipinas at sinimulan niya ang negosyo sa organic farming. Sa kagustuhang umasenso, naisipan niyang sumugal sa bee farming. Bagama’t nahirapan sa umpisa, pinagsumikapan niya itong palaguin hanggang sa makapagtayo na siya ng isang restaurant, hotel, bakery, ice cream store, crafting area, at diving shop.  Bukod sa sariling pag-asenso, guminhawa rin ang buhay ng mga empleyado niya at kanilang mga pamilya.

Tulad ni Vicky, nais ring magtagumpay ng humigit-kumulang sa isang daang stay-at-home nanay ng Brgy. San Isidro sa Bohol na nakibahagi sa Kabuhayan Caravan. Natuto sila ng paggawa ng kalamay, tocino, at banana chips, at iba pang business ideas.  Inilatag rin ng Department of Trade and Industry o (DTI), ang mga serbisyo nila para sa mga nais mamuhunan sa pagnenegosyo.

Ani Karen, hindi dapat matakot ang mga Pinoy na magnegosyo lalo na at tamang-tama ang panahon ngayon para magsimula ng pagkakakitaan.

“Ngayong ang panahon kasi dahil sa social media pwede kang makilala, pwede kang sumikat, pwede kang magbenta nang wala kang marketing expense. Kahit maliit ang puhunan, pwede kang kumita,” aniya.

Dagdag pa ni Karen, may isa siyang napansing pagkaka-pareho sa mga itinatampok niyang negosyante sa programa.

“Bukod sa sipag at tiyaga, given na ‘yun, dapat hands-on. Lahat ng nakausap kong nagtagumpay na maliliit na negosyante, talagang nagigising alas-dose ng umaga, alas-kwatro ng umaga, sila ang nag-iimbentaryo, nagbebenta, minsan sila nagja-janitor. Kumbaga, sila ang gumagawa ng lahat at alam nila ang bawat sulok ng negosyo,” paliwanag ni niya.

Pagkatapos ng Davao sa Mindanao at Bohol sa Visayas, sa Luzon naman dadayo ang “Kabuhayan Caravan.”  Panoorin ang mga kwento ng tagumpay at magkaroon ng kaalamn sa pagnenegosyo sa “My Puhunan” o kasama si Karen Davila tuwing Martes, 9:30 pm sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng “Bandila” sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Manood online sa iwantv.com.ph o skyondemand.com.ph. Sundan ang @MyPuhunan sa Facebook at Twitter at @MyPuhunanTV sa Instagram. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abscbnpr.com.