The country’s brightest stars are pulling out all the stops to look their best at the most anticipated celebrity fashion event in the country, the ABS-CBN Ball 2018, on September 29.
Sunod-sunod na ang napapabalitang paghahanda ng mga Kapamilya star na kumpirmadong dadalo sa ABS-CBN Ball 2018 upang ipagdiwang ang pagkakaibigan at pagsasama-sama na gaganapin sa Setyembre 29.
Higit isang linggo bago ang pinakahihintay na celebrity fashion event ng taon, inihayag na nina Coco Martin, Anne Curtis, Karla Estrada, at Vice Ganda ang kanilang excitement sa pagdalo sa naturang event.
Marami namang fans ang nag-aabang sa pagtitipon-tipon dito ng mga pinakamainit na love team sa bansa, kabilang na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, Liza Soberano at Enrique Gil, at Nadine Lustre at James Reid. Nagdagdag pa ng excitement sa kanilang mga tagahanga ang pagbubunyag ni Matteo Guidicelli na inimbitahan niya ang girlfriend na si Sarah Geronimo bilang date sa ball.
Mas magiging espesyal din ang ABS-CBN Ball dahil sisimulan nito ang isang tradisyon ng pagmamahal, pasasalamat, at pagkakaisa.
Sa ABS-CBN Ball 2018, ilulunsad ang kampanyang pagtulong sa muling pagbubukas ng Bantay Bata 163 Children’s Village ngayong Disyembre.
Layunin ng ABS-CBN Ball na makatulong sa pangangalaga ng mga batang dumanas ng pang-aabuso o kapabayaan sa pamamagitan ng Children’s Village sa Norzagaray, Bulacan, na siyang magsisilbing tahanan at magbibigay ng agarang kalinga sa kanila. Tinutulungan nitong gumaling at makabangon ang mga bata mula sa kanilang madilim na karanasan sa pamamagitan ng pisikal at psychological na pangangalaga sa isang lugar kung saan mararamdaman nila ang pagmamahal ng isang pamilya.
Sa mas pinagandang pasilidad at programa, higit na may kakayahan ang Children’s Village ngayon na magbigay ng lakas at kaalaman sa mga biktima ng child abuse upang sila ay maging matatag na miyembro ng komunidad.
Sa naturang complex, nakaantabay sa mga bata ang mga social worker, health care professional, at house parent. Laman din nito ang meditation room, music room, arts and crafts room, library, at cottages, kung saan nakatira ang mga bata.
Tinuturuan din ang mga bata ng iba’t ibang skills upang maging handa silang maging parte uli ng lipunan mula pagluluto hanggang pagnenegosyo.