Patuloy ang nag-uumapaw na pasasalamat ng “FPJ’s Ang Probinsyano” dahil bukod sa pagbisita ng cast sa iba’t-ibang probinsya, sari-saring sorpresa rin ang handog nito bilang selebrasyon sa ika-tatlong anibersaryo ng serye.
Nitong Setyembre, ipinadama ng buong cast, sa pangunguna ni Coco Martin, ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa Malolos, Bulacan at Lubao Pampanga sa pagbisita roon ng “Sorpresaya Truck” ng ABS-CBN TVplus. Magtutuloy pa ang kanilang pa-“thank you” dahil dadalhin din ng cast ang saya sa San Jose Del Monte, Bulacan ngayong Oktubre 7 (Linggo).
Bahagi rin ng selebrasyon ang ginanap na thanksgiving special ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa “ASAP” noong nakaraang Linggo (Setyembre 23), kung saan sumalang ang buong pamilya ng serye na nagbigay-saya sa kanilang performances.
Naging pagkakataon din ito para kay Coco na personal na pasalamatan ang lahat ng mga manonood para sa walang sawang suporta nila sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi. “Alam niyo po, napakahirap niyang gawin sa totoo lang. Pero hindi po namin iniinda kahit umuulan, bumabagyo basta ang importante may mapalabas kami gabi-gabi. Alam po kasi namin na nakakapagbigay ang programa ng inspirasyon para po sa lahat ng Pilipino,” sabi ni Coco.
Ipinakita rin ang mga charity na natulungan ng palabas gaya ng Little Lights Ministry at eskwelahang Paradise Farms Community School na nagpasalamat sa serye sa pagiging inspirasyon nito sa kabataan.
Opisyal na ring inilunsad ngayong buwan ang bagong theme song ng serye na pinamagatang “Ililigtas Ka Niya” na muling inawit ni Gary Valenciano at mapakikinggan na sa Spotify.
Mula nga nang umere sa telebisyon ang “FPJ’s Ang Probinsyano” noong 2015, nanatili itong pinakapinanood na programa sa bansa. Nagtala ito ng all-time high national TV rating na 46.7% noon 2016, na sinundan naman ng 46.2% ngayong 2018, ayon sa datos ng Kantar Media.
Ilang opisyal na rin ng gobyerno ang pumuri sa serye, gaya nina dating DILG secretary Mike Sueno at director general ng Bureau of Corrections Ronald “Bato” Dela Rosa para sa pagiging mabuting halimbawa ng karakter ni Coco sa mga kapulisan.
Panoorin gabi-gabi ang aksyon at aral sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.