Alab looks to get back on the winning track against Macau.
Pagbawi sa nakaraang talo ang nasa isip ng defending ASEAN Basketball League (ABL) champion na San Miguel-Alab Pilipinas sa laban nito kontra sa Macau Black Bears sa Biyernes (Enero 18) sa FilOil Flying V Centre.
Live mapapanood sa ABS-CBN S+A at S+A HD ng 8 pm ang laro, kung saan susubukan ng pambato ng Pilipinas na makapanalo muli matapos masilat ng Formosa Dreamers, 73-72, noong nakaraang Linggo. Ikalawang pagkatalo na ito ng Alab na sinimulan ang season sa limang sunud-sunod na panalo. Bagsak ngayon sa 6-2 ang kartada ng Alab na haharapin naman ang koponan mula sa Macau na kasalukuyang may anim na panalo at tatlong talo.
Kahit na alanganin umano ang kalagayan ng Alab, hindi pa panahon para mag-alala si Alab coach Jimmy Alapag para sa ABL analyst na si Martin “Coach Hammer” Antonio.
“Walang dapat ma-alarma dahil okay pa naman matalo sa simula at gamitin itong motibasyon ng buong koponan sa kabuuan ng torneo. Dapat gamitin nila ang panahong ito para makapag-focus sa bawat possession ng laro, dahil sa huli sila nasisilat,” bahagi niya.
Dagdag ni Coach Hammer, para makabawi ay dapat magkaintindihan at magkaroon ng komunikasyon lalo na sa mga baguhan, dahil walang butas ang lineup ng koponan sa pagkakadagdag nina Caelan Tiongson at Ethan Alvano. Nariyan pa ang mga dating manlalaro ng NBA na sina Renaldo Balkman at PJ Ramos pati na ang ABL local MVP na si Bobby Ray Parks.
“Maraming bagong piyesa ang koponan ng Alab ngayon kumpara sa nakaraang taon. Pagiging pamilyar sa isa’t isa ang magiging susi para makabalik sila sa mga panalo,” dagdag niya.
Samantala, aasahan naman ng Black Bears, na kilala noong nakaraan bilang Chong Son Kung Fu, ang kanilang world imports na sina Anthony Tucker at Ryan Watkins, na nangunguna sa puntusan at rebounds para sa koponan, sa kanilang pagsagupa sa Alab.
Makabawi na kaya ang Alab sa mga pagkatalo nila?
Huwag palampasin ang nalalapit na paghaharap ng San Miguel-Alab Pilipinas at Macau Black Bears sa Biyernes (Enero 18) ng LIVE mula sa FilOil Flying V Centre ng 8 pm sa S+A at S+A HD.
Para sa mga karagdagang istorya at balita sa ABL, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang
www.abscbnpr.com.