News Releases

English | Tagalog

Maaksyong pagbabalik ni Angel sa primetime sa "The General's Daughter," inabangan ng mga manonood

January 22, 2019 AT 02 : 37 PM

Tinutukan ng mas maraming Pilipino sa buong bansa ang inaabangang pagbabalik-primetime ni Angel Locsin at ang makapigil-hiningang pilot episode ng “The General’s Daughter” matapos nitong talunin ang katapat na programa noong Lunes (Enero 21).
 
Kinapitan ang unang TV offering ng ABS-CBN ngayong 2019 sa pagpalo nito sa national TV rating na 34%, o higit dobleng lamang kumpara sa katapat nitong “Onanay” na nakakuha lang ng 14%, ayon sa datos ng Kantar Media.
 
Sa unang episode, nakilala ng mga tao si 2nd Lieutenant Rhian Bonifacio at natunghayan ang muntikan niyang pagkamatay nang mabaril siya sa dagat sa gitna ng misyong iligtas ang mga mangigisda sa West Philippine Sea mula sa Chinese coast guards. Napadpad naman ang kanyang katawan sa isang dalampasigan kung saan niligtas siya nina Nanay Isabelle (Maricel Soriano) at anak nitong si Elai (Arjo Atayde), na parehong aalagaan si Rhian hanggang sa kanyang paggaling.
 
Naging mainit din ang pagtanggap ng netizens sa palabas matapos nitong umani ng papuri online at manguna sa listahan ng trending topics sa Twitter, na umabot pa hanggang Martes (Enero 22) ng umaga.
 
“Ramdam mo ang pagpapahalaga ng ABS-CBN kay Angel Locsin base sa first episode ng #TGDReportingForDuty. Kitang-kita kung gaano ka-passionate si Angel, pati na rin ang mga tao sa likod ng palabas, kaya siguradong marami pa itong sorpresa,” tweet ni @arjei26.
 
“Mataas ang na-set na bar ng ‘The General’s Daughter’ para sa isang pilot episode. ‘Yung directing, acting, at ‘yung pagkakasulat sobrang husay. Sana magpatuloy pa ito sa paparating na episodes. Lumampas ito sa lahat ng inaasahan ko,” papuri naman ni @allanjeancastle.
 
“Makapigil-hininga ang fight scene ni @143redangel #congratulations ikaw talaga ang ‘the best’. Ang ganda ng eksena kasama si nay Maricel at @AtaydeArjo. Greetings from Hamburg, Germany. Promise manonood ako hanggang dulo,” sabi naman ni @_engamelrach.
 
Tutukan ang “The General’s Daughter” sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.