Eustaquio and Moraes go at it for a third time to decide who's the best Flyweight of them all.
Narito na sa Pilipinas ang pinakahihintay na mixed martial arts (MMA) trilogy na kauna-unahan sa kasaysayan ng ONE Championship.
Itataya ng pambato ng Team Lakay at ONE Championship Flyweight world champion na si Geje “The Gravity” Eustaquio ang kanyang titulo kontra sa kinatatakutang submission artist ng Brazil na si Adriano “Mikhino” Moraes sa “Hero’s Ascent” fight card, na mapapanood ng LIVE sa ABS-CBN S+A at S+A HD ngayong Biyernes (Enero 25) ng 8:30 pm mula sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa kanilang pangatlong paghaharap, balak burahin ni Eustaquio (11-6) ang lahat ng duda sa kanyang pagkapanalo kontra kay Moraes (17-3, 9 submissions) sa “Pinnacle of Power” ng ONE noong nakaraang taon, kung saan niya nabingwit ang korona. Una silang nagharap ni Moraes noong 2014 kung saan natalo ang Pilipino sa submission.
Ang mangyayaring rubber match sa Biyernes ang magsisilbing unang pag-depensa ni Eustaquio sa kanyang sinturon at nangako siya na ibang “Gravity” na ang haharapin ni “Mikinho.” “Mas marami akong sorpresa para kay Adriano Moraes sa laban namin sa Biyernes,” sabi nito noong presscon noong nakaraang Martes (Enero 22).
Para sa MMA analyst na si Nissi Icasiano, hindi kailangan ni Eustaquio manalo gamit ang knockout o submission para sabihing siya ang walang kaduda-dudang hari ng mga flyweight.
“Kailangan lang niya ulitin at husayan pa ang mga nagawa niya noong rematch nila noong nakaraang Hunyo para maungusan si Moraes, kung saan hindi nito nagamit ang kanyang kakayanan sa grappling sa husay ng stand-up ni Geje,” sabi niya.
Dagdag niya, itong pangatlong laban ng dalawa ang magiging pinakamahirap. “Sa tatlo nilang laban, ito ang pinakamahirap. Pamilyar na sila sa estilo ng isa’t-isa. Sa rami ng kanilang paghaharap, mas nagiging na delikado para sa kanila. Mapait din para kay Moraes na hindi niya muling natalo ang kalaban na pinahirapan niya noong 2014 at kinuha pa ang kanyang korona,” aniya.
Mapapanood rin ng Pinoy MMA fans ang pagbabalik sa hawla ni Danny Kingad (8-1) pagkatapos mabakante ng halos apat na buwan pagkaraang talunin si Yuya Wakamatsu ng Japan. Haharapin niya ngayon si Tatsumi Wada (20-9-2) at nais nila ni Eustaquio na burahin ang pait ng kambal na talo ng Team Lakay sa Indonesia noong Enero 19.
Mabasag kaya ni Eustaquio ang masamang simula sa taon ng Team Lakay? Huwag palampasin ang unang pagdepensa niya sa kanyang ONE Flyweight World Championship sa “Hero’s Ascent” fightcard ng ONE Championship na eere sa S+A sa Biyernes (Enero 25) ng LIVE sa ganap na 8:30 pm mula sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Para sa mga karagdagang istorya at balita sa mundo ng MMA at iba pang combat sports, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang
www.abscbnpr.com.