News Releases

English | Tagalog

TNT Boys, pinabilib si Drew Barrymore sa "The World's Best" ng CBS

January 25, 2019 AT 02 : 00 PM

Drew Barrymore raved about the performance of the TNT Boys in an exclusive teaser of “The World’s Best,” which she posted to her Instagram account.

Pinuri ng Hollywood A-lister na si Drew Barrymore ang performance ng TNT Boys sa US global talent competition na “The World’s Best" sa isang exclusive teaser na ipinost mismo ng aktres sa kanyang Instagram account.
 
“You know, I have a soft spot for kids. I was a kid performer, but I have kids now. This is a whole other thing. You possess a gift, you’re just that good," komento ni Drew sa performance ng trio nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez, at Francis Concepcion ng "Listen."
 
Nakakuha rin ang grupo ng standing ovation mula sa kapwa judges ni Drew na sina Grammy-winning artist Faith Hill at drag queen superstar na si RuPaul, pati na sa "wall of the world" ng programa na kinabibilangan ng 50 sa mga pinakamatatagumpay na eksperto sa iba't ibang larangan ng entertainment.
 
Sa post ni Drew sa Instagram page niyang may 10.4 million followers, sinabi rin niyang “I’m thrilled to be a judge on @theworldsbestcbs alongside @faithhill @rupaulofficial and our fearless leader @j_corden ! This show is overflowing with talent from around the world. Here’s a sneak peek exclusive clip of what’s to come - I can’t wait for you all to see it!!!!"


"This performance from @thetntboys was so incredible #WorldsBest," dagdag pa niya.
 
Eere ang "The World's Best ngayong Pebrero 9 sa US TV network na CBS pagkatapos ng Super Bowl at pangungunahan ng Tony Award-winning actor at host na si James Corden.
 
Unang nakilala sina Mackie, Kiefer, at Francis bilang grand finalists ng “Tawag ng Tanghalan Kids” at nabuo bilang grupo noong 2017. Matinding galing sa pag-awit ang kanilang ipinamalas na nagdala sa kanila sa iba’t-ibang panig ng mundo, kabilang na sa “Little Big Shots” UK, US, at Australia, at nakapag-perform na rin sila sa harap ng iba’t-ibang head of states gaya nina Pres. Rodrigo Duterte, Singaporean president Halimah Yacob, at Papua New Guinea prime minister Peter O’ Neill. Sila rin ang itinanghal na grand winner ng ikalawang season ng “Your Face Sounds Familiar Kids.”
 
Noong Nobyembre naman, matagumpay nilang itinanghal ang kanilang sold-out na major solo concert sa Araneta Colisuem na nagluklok sa kanila bilang pinakabatang artists na na-sold out ang major concert, hindi lang sa makasaysayang Araneta Coliseum, kundi sa buong bansa. Linggo-linggo rin silang napapanood sa “ASAP Natin ‘To” at nag-release ng kanilang Christmas album na “TNT Boys Christmastime” sa ilalim ng TNT Records.