Filipino hoop fans can now watch rising stars like Kai Sotto, Mark Nonoy, Joem Sabandal and RJ Abarrientos strut their stuff in the Juniors division.
Mapapanood na rin sa wakas ang mga sumisikat na batang manlalaro sa UAAP Juniors basketball sa pag-ere ng mga laro nito sa ABS-CBN S+A at sports.abs-cbn.com sa pagbubukas ng ikalawang round ng UAAP Season 81 Juniors Basketball tournament sa darating na Linggo (Enero 13).
Bilang panimula, mapapanood ang bakbakang De La Salle Zobel (DLSZ) Junior Archers ni Henrie Subido kontra sa University of the Philippines Integrated School (UPIS) Junior Fighting Maroons, na pinangungunahan naman ni Jordi Gomez De Liano, sa S+A ng 5 pm.
Susundan ito ng isang umaatikabong paghaharap ng Nazareth School-National University (NSNU) Bullpups nina Carl Tamayo at Gerry Abadiano at ng kampeon na Ateneo De Manila High School (ADMU) Blue Eaglets na pinangungunahan naman ni Kai Sotto sa 7 pm.
Bukod sa kanila, masasaksihan na rin sa telebisyon ang katangi-tanging talentong dala nina Mark Nonoy ng University of Santo Tomas (UST) Tiger Cubs, RJ Abarrientos ng Far Eastern University (FEU) Baby Tamaraws, Shane Dichoso ng University of the East (UE) Pages, at Joem Sabandal ng Adamson University (AdU) Baby Falcons.
Lahat ng laro sa ikalawang round ng UAAP Juniors basketball ay gaganapin sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City simula 9 am. Mapapanood ang mga laro sa umaga sa pamamagitan ng livestream sa sports.abs-cbn.com, sa ABS-CBN Sports Youtube channel, at iWant, habang eere naman sa ang mga laro sa hapon sa S+A, S+A HD, LIGA, at LIGA HD.
Sa mga nakaraang taon ng UAAP Juniors, ipinalalabas lamang ang Finals ng Juniors, pero ngayon, papapalawigin na ng S+A ang kanilang coverage para makapag-pakitang-gilas na agad ang susunod na henerasyon ng mga Pilipinong basketbolista.
“Marami tayong mahuhusay na manlalaro sa lebel ng high school at nais namin na makilala sila ng mga Pilipino. Paraan din ito upang mapanood natin ang kanilang pagsisikap at pag-angat hanggang sa pag-tungtong nila sa kolehiyo na maaaring maging inspirasyon sa kabataang Pilipino,” bahagi ni ABS-CBN Integrated Sports head Dino Laurena.
Magpapatuloy ang aksyon sa Juniors basketball sa Enero 16 sa S+A tampok ang UST at NSNU ng LIVE sa 1 pm kasunod ang ADMU at UE sa 3 pm. Sa Enero 20, magpapamalas naman ng galing ang AdU at NSNU ng LIVE sa 1 pm at maglalaban naman ang ADMU at FEU sa 3 pm. Samantala, may sarili ring Battle of Katipunan sa Juniors sa Enero 23 sa bakbakang ADMU at UPIS sa 1 pm habang maghaharap naman ang DLSZ at NSNU sa 3 pm. Sa Enero 27, balik-aksyon agad ang UPIS kontra FEU sa 1 pm habang maglalaban naman ang AdU at DLSZ pagpatak ng 3 pm.
Para sa mga karagdagang istorya at balita sa UAAP Juniors basketball at mga batang bituin nito, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang
www.abscbnpr.com.