News Releases

English | Tagalog

Mga dokumentaryong gawang estudyante, itatampok sa ABS-CBN

October 17, 2019 AT 05 : 21 PM

Two student-produced documentaries, which topped the “Class Project Intercollegiate Mini Documentary Competition Year 2,” will take center stage on ABS-CBN in the next two Fridays starting October 18.

Mga nagwagi sa ”Class Project” docu contest, bibida
 
 
Mapapanood ang dalawang dokumentaryong nagwagi sa “Class Project: Intercollegiate Mini Documentary Competition Year 2,” ang itatampok sa ABS-CBN sa dalawang magkasunod na Biyernes simula bukas (Oktubre 18).

Sa isang espesyal na pagkakataon, ipapalabas ngayong Oktubre 18 pagkatapos ng “Bandila” sa nangungunang media network sa bansa ang likha ng mga mag-aaral ng University of the Philippines-Diliman (UP) na may titulong “Pasan,” na siyang nagkamit ng  1st place. Samantala, sa Oktubre 25 naman mapapanood ang “Silang Walang Daan” mula naman sa Lyceum of the Philippines University Laguna (LPU Laguna), na pumangalawa sa kompetisyon na isinagawa noong 2018.  



Dahil dito, tinuturing isang karangalan na maipalabas ang mga obra ng mga estudyante sa timeslot ng mga premyadong current affairs program at documentary series ng ABS-CBN tulad ng “Local Legends,” na muling mapapanood tuwing Biyernes sa parehong timeslot simula Nobyembre 1.

Tampok sa “Pasan” ang kwento ng isang debotong binabae na gumaganap bila Hesu Kristo tuwing Banal na Panahon ng Kuwaresma. Sa, “Silang Walang Daan” naman, ipapakita ang hirap ng mga residente ng isang liblib na pook na oras ang ginugugol sa pagbyahe sa baku-bako at putikang kalsada para makarating sa siyudad. Pinarangalan sila kasama ang walo pang ibang finalists sa Pinoy Media Congress (PMC) Year 13 na proyekto ng ABS-CBN at Philippine Association of Communication Educators (PACE).



Tulad ng PMC, proyekto rin ng ABS-CBN at PACE ang “Class Project” katuwang ang Knowledge Channel. Layunin nitong bigyang plataporma ang mga kabataan na maipakita ang kanilang mga dokumentaryo tungkol sa buhay ng mga Pilipino. Bukod sa cash at trophies, ineere rin ang sampung pinakamahusay na entry sa Knowledge Channel at iWant. Binuksan muli ngayong 2019 ang ikatlong taon ng “Class Project.” Maaaring sumali at magpadala ng kanilang entry ang mga mag-aaral sa kolehiyo mula sa mga paaralang may guro na miyembro ng PACE hanggang Nobyembre 29, 2019. Sa 2020 iaanunsyo ang top 10 sa “Pinoy Media Congress Year 14.”

Para sa iba pang impormasyon sa “Class Project: Intercollegiate Mini-Documentary Competition,” bisitahin ang www.pinoymediacongress.com at Facebook page ng Pinoy Media Congress
(https://www.facebook.com/abscbnpmc/), o magpadala ng tanong sa classproject@knowledgechannel.org.
Abangan ang mga dokumentaryong “Pasan” at “Silang Walang Daan” sa ABS-CBN pagkatapos ng “Bandila” sa Oktubre 18 at 25. Manood online sa iWant. Para sa updates, i-follow ang ABS-CBN PR sa Instagram, Facebook, at Twitter o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.