News Releases

English | Tagalog

Team Vice, itinanghal na Magpasikat 2019 grand champion ng "It's Showtime"

October 27, 2019 AT 01 : 23 PM

Wagi ang team ni Vice Ganda bilang champion ng Magpasikat competition ng hosts para sa ikasampung anibersayo ng “It’s Showtime” para sa makapangyarihan at makulay na performance nitong nakasentro sa pagmamahal sa sarili noong Sabado (Oktubre 26).
 

 

Kasama ang “Miss Q and A” queens, ibinahagi ng ‘unkabogable’ star ang karanasan niya ng pagkalagas ng kanyang buhok at pagtanggap nang buo sa sarili sa performances ng mga awiting “Creep” ng Radiohead, “Whip My Hair” ni Willow Smith, at “Survivor” ng Destiny’s Child na may kasamang wig at costume changes.

 

Naantig naman ang madlang people at mga hurado sa pagbirit ni Vice ng “Hair” ni Lady Gaga habang nakalambitin sa ere at pagbibigay ng mikropono sa isang batang may alopecia areata, isang kondisyong nagdudulot ng pagkawala ng buhok. Sinundan ito ng pagwagayway ng kani-kanilang wigs ng madlang people na may alopecia.

 

Pahayag ni Vice pagkatapos ng performance, “Hindi mo kailangang mahalin ng buong mundo. Sarili mo lang ang kailangan mo at isang taong mahal mo na tatanggapin at mamahalin ka rin.” Sa puntong ito, ipinakilala niya sa publiko si Ion Perez bilang partner niya.
 

 

Nanalo ang Team Vice ng vacation package at P1 million, na ipagkakaloob nila sa kanilang napiling charity na nakatuon sa pagtulong sa mga taong may alopecia.

 

Isang makabuluhang pagkilala rin ang natanggap ng “It’s Showtime” sa ikasampung anibersaryo nito matapos itong pangaralan ng “Katibayan ng Pagpapahalaga” ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), para sa malaking ambag ng programa sa pagpapagalaganap ng programa ng sining at kultura sa buong mundo.

 

Iginawad ang naturang parangal nina Shirley Halili-Cruz, ang chairman ng National Committee on Dance, at ni Rene Napeñas, ang head ng NCCA’s Public Affairs and Information Office, na nagsilbi ring mga hurado sa isang linggong tagisan ng hosts sa Magpasikat competition.

 

Pumangalawa naman ang team nina Vhong Navarro at Mariel Rodriguez, na nagbigay ng tagos-pusong performance na puno ng special effects tungkol sa pagtanda ng “It’s Showtime” hosts na pinapanood ang makabagong paraan ng pagbibigay-saya sa madlang people sa hinaharap. Nagwagi sila ng P700,000 para sa kanilang napiling charity.

 

Sumunod naman sa third place ang team nina Anne Curtis at Amy Perez na nag-uwi ng P600,000 para sa buwis-buhay na performance na puno ng acrobatic stunts at nagbigay-pugay sa mga tagumpay, pagsubok, at tatag ng “It’s Showtime” family.

 

Nakakuha naman ng tig-P500,000 para sa kanilang charities ang mga team nina Karylle at Ryan Bang, at nina Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, at Jhong Hilario bilang consolation prizes.

 

Kasama rin sa mga huradong kumilatis sa Magpasikat performances sina Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) chairman na si Rachel Arenas, batikang mamahayag na si Tina Monzon-Palma, beteranong choreographer na si Andy Alviz, host na si Tim Yap, negosyanteng si Joel Cruz, celebrity dermatologist na si Vicki Belo, Diether Ocampo, at ang punong hurado at aktor na is Edu Manzano.

 

Hindi lang ang team ni Vice ang big winner dahil sa parehong araw ay itinanghal ding grand champion ang J-Crisis, isang dance crew mula Sampaloc, Manila, ng “Classic Showtime” na nagkamit ng P500,000.

 

Patuloy na samahan ang “It’s Showtime” sa pagdiriwang ng ikasampung anibersaryo nito mula Lunes hanggang Sabado sa ABS-CBN. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr on Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.