News Releases

English | Tagalog

Korean group na Momoland, Kapamilya na

October 05, 2019 AT 10 : 53 PM

Ganap nang Kapamilya ang sikat na Korean girl group na Momoland sa pagsasanib-puwersa ng ABS-CBN at management company na MLD Entertainment na magkasamang mamamahala sa magiging karera ng Korean idols sa Pilipinas matapos maganap ang contract signing ng dalawang kumpanya noong Biyernes (Oktubre 4)
 
Ayon kay Laurenti Dyogi, ang ABS-CBN Head of TV Production, isang malaking karangalan na maging parte ng ABS-CBN ang international hit makers. Marami rin daw sorpresang handog ang Momoland sa kanilang Filipino fans na hindi dapat palampasin.
 
“This is part of ABS-CBN’s going global. You will see Momoland in a lot of our programs, in future collaborations with our artists, and in other projects that will involve our Kapamilya stars, including Star Music and Star magic artists (Parte ito ng pagiging global ng ABS-CBN. Mapapanood niyo ang Momoland sa mga programa namin, future collaboration kasama ang artists namin, at iba pang proyekto kasama ang Kapamilya stars, pati na rin Star Music at Star Magic artists),” sabi ng ABS-CBN executive.
 
Dinaluhan din ang contract signing nina ABS-CBN chairman Mark Lopez, president and CEO Carlo Katigbak, COO for broadcast Cory Vidanes, head of treasury Rick Tan, Star Hunt business unit head Raymund Dizon, head of ABS-CBN Music Roxy Liquigan, at MLD Entertainment official Lee Hyoungjin. 
 
Ang Momoland ay produkto ng Korean reality-talent show na “Finding Momoland” at unang nakilala noong 2016. Sumikat sila sa kanilang hit dance craze na “Boom Boom” at “Baam” na pumatok sa iba’t-ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas. Nag-uwi na rin sila ng sari-saring pagkilala mula sa iba’t-ibang award-giving bodies sa loob at labas ng Korea.