Controversial 1977 MMFF movie “Mga Bilanggong Birhen,” a period drama that gave audiences harrowing glimpses of the American-occupation-era Philippines, is back for new and younger audiences to view as ABS-CBN Film Restoration brings its digitally-restored version to Cinema ‘76 Classics line-up from October 4 to 27.
Ang kontrobersyal na period drama at 1977 MMFF movie na “Mga Bilanggong Birhen,” na nagpakita ng kalunos-lunos na estado ng mga Pilipino sa panahon ng okupasyon ng Amerika sa Pilipinas, ay nagbabalik muli sa pinilakang tabing para mapanood ng bagong henerasyon sa pamamagitan ng digitally-restored version na pinangunahan ng ABS-CBN Film Restoration at kasama din sa Cinema ‘76 Classics line-up mula Oktubre 4 hanggang 27.
Sinimulan itong idirehe ng yumaong batikang direktor na si Mario O’Hara at tinapos ng direktor na si Romy Suzara, ang classic film na ito ay pinagbibidahan nina Rez Cortez, Leroy Salvador, Mario Montenegro, Armida Siguion-Reyna, at ang batang-bata pa na noong si Alma Moreno.
Nagsilbing komentaryo ang pelikula sa kinahinatnan ng Pilipinas noong 1920s. Sa isang maliit na bayan sa Visayas noong 1923, ipinakita ang pag-usbong muli ng mga rebolusyonaryong “pulajanes” dahil sa pasakit na nararamdaman sa pananakop ng mga Amerikano, lalu na ang pamamayagpag ng mga mayayaman sa lipunan, ang patuloy na paglaganap ng kahirapan, at ang kawalang aksyon sa tiwaling agrikultural na sistema ng bansa.
Ang pelikulang “Mga Bilanggong Birhen” ay ang sumunod na pelikula ng premyadong direktor na si Mario O’Hara matapos ang kanyang obrang “Tatlong Taong Walang Diyos.”
Sa movie premiere sa Cinema ’76 Anonas, ipinahayag ni Alma Moreno ang labis na pasasalamat na mabigyan ng pagkakataong maging bida ng obra nina Direk O’Hara at Suzara. “Noong una akong tinawagan na na-restore itong “Mga Bilanggong Birhen, hindi ako naniwala. Pero nagpapasalamat ako kasi nandito ‘rin si Direk Romy at syempre, kahit wala na siya, kay Tita Midz na kumuha sa akin sa movie na ito. Sobrang ganda po nito….batang-bata pa po ako noon pero ang dami ko pong natututunan sa’yo,” taos-pusong pahayag ni Alma.
Nagpasalamat naman si Suzara at buong pagpapakumbabang ikinatuwa na naipagpatuloy niya ang likha ni O’ Hara. Labis din ang saya nito sa restoration efforts ng ABS-CBN para sa kanyang pelikula. “Salamat naman sa ABS-CBN dahil na-restore nila nang magandang-maganda ang pelikula,” saad pa ni Direk Romy.
Simula Oktubre 4 at tuwing Biyernes at weekends ng buwan ekslusibong mapapanood ang “Mga Bilanggong Birhen” sa Cinema ‘76 San Juan at Anonas branches, kasama ang walo pang ibang digitally-restored na mga pelikulang Pilipino na kinikilalang kahalinhin ng mga de kalidad na pelikula ng kulturang Pilipino---“Ganito Kami Noon Paano Kayo Ngayon?,” “Minsa’y Isang Gamu-gamo,” “Nunal sa Tubig,” “Tatlong Taong Walang Diyos,” “Bata Bata Paano Ka Ginawa?,”Ligaya Ang Itawag Mo Sa Akin,” “Ang TV Movie: The Adarna Adventure,” at “Saan Ka Man Naroroon.”
Umabot na sa halos 180 na pelikula ang na-restore ng ABS-CBN Film Restoration Project, at ilan sa mga ito ay naipalabas na rin sa international film fests, local red carpet premieres, free-to-air at cable television, pay-per-view at video-on-demand platforms, DVD releases, at iTunes.
Pumunta sa www.facebook.com/filmrestorationabscbn para sa karagdagang impormasyon tungkol sa screening schedules ng digitally restored films. Para sa updates, i-follow ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).