Maghahatid ng halu-halong emosyon sina Liza Soberano at Enrique Gil sa pelikula nilang "Alone/Together" na unang beses ipapalabas sa Cinema One ngayong Linggo (October 13).
Mula sa panulat at direksyon ni Antoinette Jadaone, ang pelikula ay tungkol sa pag-iibigan ng UP arts student na si Tin Lazaro (Liza) at UST pre-med student na si Raf Toledo (Enrique) at ang pagkasira ng kanilang relasyon dahil sa biglaang pakikipaghiwalay ni Tin kay Raf dahil sa hindi malamang dahilan.
Makalipas ang limang taon, magkikita ulit ang dalawa na kapwa ibang-iba na sa kung sino sila noon. Iiwanan ba nila ang lahat para subukan uling mahalin ang isa't isa?
Humakot ng magagandang papuri mula sa mga film critic ang "Alone/Together," lalo na para sa paraan ng pagkukuwento ni Direk Tonette at magaling na pagganap ng LizQuen. Ayon kay Pablo Tariman, kagaya ng nakasanayan ay diretso ang paglalahad ni Direk Tonette sa istorya, na kitang-kita sa pagkakatagpi ng kwento nina Tin and Raf.
Sa movie review naman ng film critic na si Oggs Cruz, sinabi niyang hindi pinilit ng pelikula ang maging makahulugan, kundi mas pinalawak ang tipikal na istorya ng pag-ibig.
Ang "Alone/Together" ang ikaapat na pelikulang pinagsamahan ng LizQuen. Bukod sa magagandang review, ang pelikulang hatid ng Black Sheep ay tumabo rin ng P370 million sa takilya.
Balikan ang ganda at sakit ng iyong one great love sa "Alone/Together," na ipapalabas sa unang pagkakataon sa Blockbuster Sunday ng Cinema One, 7pm ngayong Linggo (October 13). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang
www.abs-cbn.com/newsroom.