Michaela Nabella, a grade 10 student from Morong, Rizal, who grew up watching shows on Knowledge Channel, is now reaping the benefits of her own determination to learn with the help of Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI)
Tinatamasa na ngayon ni Michaela Nabella, isang grade 10 student mula Morong, Rizal, na lumaking nanonood ng mga palabas sa Knowledge Channel, ang tagumpay na dulot ng determinasyong matuto na sinamahan ng tulong mula Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI).
“Nakatulong po sa akin ang panonood ng Knowledge Channel kaya po ako naging salutatorian. Mas na-eengganyo pa po akong mag-aral, dahil sa panonood, mas madami pa po kaming natutunan, ” buong sayang pahayag ni Michaela.
Isa sa tampok na mga kabataan sa katatapos lamang na pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng KCFI sa “ASAP Natin 'To,” ay isa lamang sa maraming mga mag-aaral na natulungan na ng mga programa sa mga nagdaang taon.
“Sa nakalipas na 20 taon, milyon-milyong kabataan mula sa higit na 7,000 pampublikong paaralan sa buong bansa ang masayang natuto at patuloy na natututo sa educational videos at technology na hatid ng Knowledge Channel Foundation,” saad ni Rina Lopez-Bautista, ang president at executive director ng KCFI.
Kilala ang Knowledge Channel sa mga palabas tampok ang ilang Kapamilya stars tulad nina Enchong Dee para sa “Agricoolture,” Maymay Entrata at Khalil Ramos para sa "Puno ng Buhay,” Marlo Mortel para sa educational game show na “Knowledge on the Go!,” “MathDali” kasama si Robi Domingo, at ang animation show na “Wikaharian,” na pinapangunahan naman ni Ate Michelle Agas.
Binigyang pugay rin ng Knowledge Channel ang mga guro na naging kasama na ng foundation sa paghubog ng kinabukasan ng mga bata. Isa sa mga magigiting na guro na ito ay si Blessilda Grace Patnon, mula sa Dila Elementary School sa Santa Rosa, Laguna. Natutuwa nitong ikinuwento sa video interview ang maginhawa at epektibong pamaraan ng Knowledge Channel.
“Dahil nabigayan ako ng pagkakataon na mapabilang sa mga beneficiary ng Knowledge Channel, masasabi kong naging malaki ang naitutulong sa mga bata kase it made learning easier, interactive, at holistic talaga. Napakalaki ng pasasalamat naming mga guro sa Knowledge Channel,” ayon kay Blessilda.
Samantala, patuloy ang misyon ng KCFI. “Marami na ang nasimulan, marami pa ang pwedeng gawin. Be a Knowledge champion,” paanyaya pa ni Lopez-Bautista sa mga manonood.
Naghandog naman ang “Voices Iuvenes” children’s choir, TNT boys, at si Piolo Pascual ng isang espesyal na pag-awit ng kilalang “Bawat Bata” ng APO Hiking Society.
Para sa karagdagang impormasong sa KCFI, i-visit ang
www.knowledgechannel.org o i-follow ang @kchonline sa Twitter at @knowledgechannel sa Facebook.