Nathalie Hart, tampok bilang bagong Barbara; Napapanood na sa iWant
Binuhay ng iWant ang makasaysayang horror film ni Celso Ad Castillo na "Patayin Mo sa Sindak si Barbara" sa isang makabagong paglalahad ng kwento nito sa iWant original movie na “Barbara Reimagined.”
Mapapanood na na ngayon nang libre sa iWant ang “Barbara Reimagined,” na idinirek ni Benedict Mique (“ML” at “MOMOL Nights”) at ng namayapang anak ni Celso na si Christopher Ad Castillo, tampok ang pinakabagong aktres na gumaganap bilang Barbara – si Nathalie Hart.
Minamarkahan ng pagpapalabas nito sa iWant ngayong taon ang ika-45 anibersaryo ng orihinal na iconic horror film ni Celso na pinagbidahan ni Susan Roces. Simula noon, nakilala ang pelikula bilang isa sa mga natatanging horror film ng Pinoy cinema at nagbunga ng iba pang remakes para sa iba’t ibang henerasyon ng viewers. Gumanap na bilang Barbara si Lorna Tolentino sa “Patayin sa Sindak si Barbara” noong 1995 at si Kris Aquino naman sa isang ABS-CBN teleserye noong 2008.
Gaya ng ibang mga remake, tampok sa “Barbara Reimagined” ang kumplikadong kwento ng dalawang magkapatid sa isang pelikulang puno ng paninindak.
Ngunit madadagdagan ng kakaibang takot ang bagong iWant movie dahil maghahandog ito ng isang nakakagimbal na twist sa istorya na hindi aasahan ng mga manonood.
Magdadagdag din ng anghang si Nathalie sa role niya bilang Barbara, kasama sina JC de Vera bilang ang makisig na si James, Mariel de Leon bilang ang kapatid ni Barbara na si Karen, at ang child star na si Xia Vigor bilang si Isabelle, ang anak nina James at Karen.
Sa “Barbara Reimagined,” uuwi si Barbara para sa libing ni Karen matapos nitong kitilin ang sariling buhay. Habang nagdadalamhati, makakahanap siya ng sasandalan kay James, na dati rin niyang kasintahan.
Magdedesisyon si Barbara na manatili para maalagaan ang pamangkin niyang si Isabelle at para na rin bigyang atensyon ang relasyon nila ni James.
Ngunit simula nito, mapupuno ng kababalaghan ang buhay nila at unti-unting madidiskubre ni Barbara ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng kanyang kapatid.
Unang mapapanood ng publiko ang iWant original movie bilang bahagi ng 2019 Cinema Originals Film Festival.
Ang “Barbara Reimagined” ay ipinrodus ng LoneWolf Films at ni Malaya Roxanne Santos.
Maaari nang mapanood nang libre ang “Barbara Reimagined” sa iWant app (iOs at Android) o sa
iwant.ph. Pwede ring i-stream sa iWant ang orihinal na “Patayin Mo sa Sindak si Barbara” ni Celso Ad Castillo at ang remake nito ni Chito S. Roño kasama sina Lorna Tolentino at Dawn Zulueta at ang kanilang mga restored versions.
Para sa updates, i-like ang
www.facebook.com/iWant, sundan ang @iwant sa Twitter at @iwantofficial at @dreamscapedigital sa Instagram, o mag-subscribe sa
www.youtube.com/iWantPH.