News Releases

English | Tagalog

Mga kwento sa likod ng mga balita sa 2019, tampok sa ABS-CBN Yearend Special 

December 28, 2019 AT 09 : 07 AM

Produced by ABS-CBN News’ multi-awarded documentary group DocuCentral, “Sa Likod ng Balita” features firsthand accounts by the network’s reporters who broke and covered the news that made a lasting impact on Filipinos.

Iba-ibang balita ang yumanig sa bansa noong 2019 na may hatid na leksyong maibabaon ng bawat Pilipino sa darating na taon. Bago pa man magsimula ang 2020, babalikan ng ABS-CBN ang mga isyu at pangyayaring huhubog sa kasaysayan ng bansa ngayong Linggo (Disyembre 29) sa “Sa Likod ng Balita: The ABS-CBN 2019 Yearend Special” sa Sunday’s Best ng ABS-CBN.

Likha ng DocuCentral, ang premyadong documentary group ng ABS-CBN News, tampok sa “Sa Likod ng Balita” ang mga kwento ng mga reporter na naroon mismo sa eksena upang ibalita ang bawat lindol, bagyo, epidemya, at pang-aabuso sa kapangyarihan na nangyari sa taon. Pati na rin ang mga tagumpay para sa mga Pilipino tulad ng desisyon ng korte sa Maguindanao massacre at ang paghakot ng medalya ng ating mga atleta sa Southeast Asian Games.

Kasama sa dokumentaryo ang tulad nina Jorge Cariño, Jeff Canoy, Chiara Zambrano, at Christian Esguerra, na nasaksihan mismo ang mga balita nang malapitan sa kanilang pagganap sa tungkulin nila bilang mga mata, tainga, at boses ng mamamayan.

Para kay Jeff at sa kasamahang si Nonie Basco, mahalagang naibalita ang trahedya ng paglubog ng sasakyang pandagat sa West Philippine Sea at Iloilo-Guimaras strait, sapagkat ipinakita nito ang posisyon ng gobyerno sa usaping teritoryo, at nasimulan din ang pagbabago upang siguraduhing ligtas ang mga Pilipinong bumabyahe sa katubigan.

Si Raphael Bosano naman, napagtanto ang masidihing pangangailangan sa edukasyon ukol sa polio matapos marinig mismo ang kakulangan ng kaalaman ng publiko kung paano haharapin ito.

Si Jorge naman, naalala kung paano muntikan madamay sa malawakang pagpatay sa sibilyan at media sa Maguindanao dahil sa away pulitika, at sinabing hindi dapat matinag ang mga Pilipino sa ganitong pananakit at pananakot ng iba.

“Ang pagtakbo po sa halalan ay bahagi ng demokrasya. Bahagi ng ating kalayaan. Ang pamamahayag ay bahagi ng demokrasya, bahagi ng ating kalayaan. Kung may tao na ayaw kang pagbigyan na ituloy mo ‘yung kalayaan mo, may problema po tayo diyan. Dapat po tayo’y pare-parehong malaya,” aniya.

Nagbahagi rin ng kanilang mga eksklusibong istorya sina Angel Movido, Dennis Datu, Dyan Castillejo, Gretchen Fullido, John Guda, Ron Gagalac, Micaella Ilao, Mike Navallo, Paul Palacio, at Sherrie Ann Torres, sa kanilang mga naibalita sa ABS-CBN, ABS-CBN News Channel (ANC), DZMM, news.abs-cbn.com, at ABS-CBN Regional.

Panoorin ngayong Linggo (Disyembre 29) ang “Sa Likod ng Balita: The ABS-CBN Yearend 2019 Special” pagkatapos ng “GGV” sa Sunday’ Best sa ABS-CBN. Manood online sa iWant o skyondemand.com.ph. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Instagram, at Twitter o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.