News Releases

English | Tagalog

UAAP Juniors basketball Final Four, lalarga na sa ABS-CBN S+A

February 12, 2019 AT 01 : 08 PM

Kai Sotto looks to lead the Blue Eaglets in another title romp as the Final Four begins.

Buo na ang apat na koponan na magtatagisan sa UAAP Season 81 Juniors basketball Final Four at magsisimula ang labananngayong Biyernes (Pebrero 15) ng LIVE sa ABS-CBN S+A, S+A HD, LIGA, LIGA HD, iWant, ABS-CBN Sports YouTube, at sports.abs-cbn.com.
 
Bitbit ng numero unong koponan na Nazareth School-National University (NSNU) Bullpups ni Carl Tamayo ang kanilang twice-to-beat advantage kontra sa Adamson Baby Falcons ni Joem Sabandal sa kanilang sagupaan ng 1 pm sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City. Susundan ito sa 3 pm ng bakbakan ng defending champions at pumapangalawa na Ateneo Blue Eaglets ni Kai Sotto kontra Far Eastern University Baby Tamaraws ni RJ Abarrientos na nasa ikatlong pwesto.
 
Tiyak na inaabangan ng NSNU ang napipintong rematch nila kontra Ateneo pero haharapin muna ng kanilang big three na binubuo nina Tamayo, Gerry Abadiano, at Terrence Fortea ang Adamson Baby Falcons ni Joem Sabandal. Kahit na nagdomina sa eliminations ang koponan ni Coach Goldwin Monteverde, tanging ang Baby Falcons lamang ang nakatalo sa kanila.
 
Nais masungkit ng Blue Eaglets ni Sotto ang ika-15 na titulo ng Ateneo sa UAAP Juniors, pinakamarami sa UAAP, sa tulong ng point guard na si Forthsky Padrigao. Gumanda ang takbo ng Blue Eaglets pagkatapos bumalik ni Padrigao mula sa injury at malaking tulong kina Sotto at kapwa big man nitong si Geo Chiu.Bago yan, kailangan muna nilang malampasan ang FEU Baby Tamaraws na may matinding kargada sa kanila RJ Abarrientos, Xyrus Torres, at Royce Alforque na nagpahirap sa Blue Eaglets noong elimination roundat tinalo sila sa overtime.
 
Bagamat bigatin ang kanilang mga makakaharap sa Biyernes (Pebrero 15), naniniwala si ABS-CBN Sports analyst, dating Ateneo Lady Eagle, at kasalukuyang manlalaro ng women’s basketball national team na si Danica Jose na hindi basta-basta magpapasindak ang FEU at Adamson.
 
“May tulog ang FEU kontra sa Ateneo sa lakas ng kanilang mga gwardiya. Magiging hamon para sa Ateneo ang kakayahan ng kanilang mga big men na makasabay sa mga tirador ng Baby Tams. Sa kabilang banda naman, natalo man ng Adamson ang NSNU sa eliminations, nakikita kong mahihirapan pa rin sila sa labanan ng back court lalo na sa press ng Bullpups na pinangungunahan ni Gerry Abadiano at Ernest Felicilda,” paliwanag niya.
 
Nagpapatuloy ang aksyon sa Juniors basketball sa pagsisimula ng Final Four ngayong Biyernes (Pebrero 15) kung saan maghaharap ang NSNU Bullpups at Adamson Baby Falcons ng 1 pm. Susundan ito ng duelo ng defending champion Ateneo Blue Eaglets at FEU Baby Tamaraws ng 3 pm. Mapapanood ang dalawang laro ng LIVE mula FilOil Flying V Centre sa ABS-CBN S+A,S+A HD, LIGA, LIGA HD, iWant, ABS-CBN Sports YouTube, at sports.abs-cbn.com.
 
Para sa mga karagdagang istorya at balita sa UAAP Juniors basketball at mga batang bituin nito, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE