The TNT Boys got the biggest surprise of their lives when Ariana Grande surprised them with an unexpected appearance and duet on CBS’ “The Late Late Show with James Corden.”
Natupad ang isa sa mga pangarap ng international sensation na TNT Boys nang sorpresahin sila ng pop superstar na si Ariana Grande sa guesting nila sa “The Late Late Show with James Corden” noong Martes ng gabi (Miyerkules ng hapon sa Pilipinas).
Kilalang fans ni Ariana ang trio nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez, at Francis Concepcion, kaya naman laking gulat na lang nila nang biglang lumabas si Ariana sa stage para makipag-duet sa kanila ng “And I Am Telling You I’m Not Going.”
“I’m obsessed with you guys. You guys are so incredible. That was so beautiful,” pahayag ni Ariana sa TNT Boys, na halos hindi naman makapagsalita dahil sa gulat at saya. Sinabi naman ni Francis, “Is this a dream?”
Matapos naman ang taping ng episode, nakipagchikahan at picture-an sa backstage ang “Thank U, Next” singer kasama sina Mackie, Keifer, at Francis at inaming ninyerbos siya bago sumalang sa stage para sa kanilang duet.
Sinorpresa ni James ang TNT Boys nang malaman nitong idolo nila si Ariana mula sa usapan nila backstage sa international competition na “The World’s Best,” na pinapangunahan din ni James bilang host.
Bago naman ang performance ng TNT Boys sa “The Late Late Show,” tinawag niyang “the cutest boyband on the planet” ang trio nina Mackie, Keifer, at Francis.
Tuloy-tuloy nga ang pagtaas ng TNT Boys ng bandera ng bansa at pagpapabilib sa buong mundo sa international talent competition na “The World’s Best,” kung saan pinahanga nila ang American judges na sina Faith Hill, RuPaul, at Drew Barrymore pati na ang “wall of the world,” na binubuo ng 50 sa pinakamatatagumpay na eksperto sa mundo ng entertainment.
Isa lamang ang TNT Boys sa Pinoy artists na matagumpay na kinikilala sa iba’t ibang bahagi ng daigdig sa patuloy na pagtataguyod at pagbabahagi ng ABS-CBN ng talento ng mga Pilipino sa buong mundo.
Unang nakilala sina Mackie, Keifer, at Francis bilang grand finalists ng “Tawag ng Tanghalan Kids” at nabuo bilang grupo noong 2017. Matinding galing sa pag-awit ang kanilang ipinamalas na nagdala sa kanila sa iba’t-ibang panig ng mundo, kabilang na sa “Little Big Shots” UK, US, at Australia, at nakapag-perform na rin sila sa harap ng iba’t-ibang head of states gaya nina Pres. Rodrigo Duterte, Singaporean president Halimah Yacob, at Papua New Guinea prime minister Peter O’ Neill. Sila rin ang itinanghal na grand winner ng ikalawang season ng “Your Face Sounds Familiar Kids.”