News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, susuporta sa "Prayer for Peace" sa Pebrero 7

February 06, 2019 AT 04 : 47 PM

ABS-CBN joins the PasaLord Prayer Movement in calling on Filipinos of every creed and denomination to pray for our country in the first nationwide synchronized moment of prayer tomorrow, Thursday (February 7) at 12 noon.

PasaLord Prayer Movement, pangungunahan ang sabayang pagdarasal ng bansa 

Nakikiisa ang ABS-CBN sa panawagan ng PasaLord Prayer Movement na mag-alay ng panalangin para sa bansa ang bawat Pilipino, anuman ang kanilang relihiyon o paniniwala, sa kauna-unahang sabayang pagdarasal bukas ng Huwebes sa ganap na 12 ng tanghali.

Tinatawag na “Prayer for Peace in the Philippines,” ang aktibidad na ito ay may layuning himukin ang buong sambayanan na magdasal para sa pangmatagalang kapayapaan sa bansa ng sabay-sabay, saan man sila naroroon.

Ayon kay PasaLord Prayer Movement founder at lead convenor Lourdes “Bing” Ll. Pimentel, hindi pa nagagawa sa mundo ang pagtigil ng isang buong bansa upang magdasal ng ilang minuto sa Diyos para sa ating mga pinuno, pamilya, at bansa.

Dagdag pa ni Pimentel, suportado rin ng tatlong sangay ng gobyerno ang isasagawang “Prayer of Peace” at iba-ibang sektor sa lipunan na kanilang nilapitan.

Ipinaabot naman ng ABS-CBN ang imbitasyong ito sa milyun-milyong Pilipino sa pamamagitan ng mga programa nito sa iba-ibang plataporma ng kumpanya sa telebisyon, radyo, at online tulad ng “It’s Showtime” at mga palabas sa DZMM TeleRadyo.

May apat na bersyon ang panalangin ng PasaLord--- Ingles, Filipino, Cebuano, at Hiligaynon, at isang minuto lamang ang itatagal sa pagdadasal nito. Hinihikayat din nila ang mga tao na magsuot ng mga kulay sa watawant ng Pilipinas sa Huwebes (Pebrero 7) at ipagbugkos ang kanilang kamay sa ibabaw ng kanilang mga puso bilang pagpapakita ng ating pagkakaisa. Maaari rin ibahagi ang mga larawan at video ng pakikilahok dito sa social media gamit ang hashtag na #PasaLord.

Umaasa si Pimentel na kahit pagkatapos ng sabayang pagdadasal ay patuloy pa rin ang mga Pilipino sa paglalaan ng oras upang idasal ang “Prayer for Peace” hanggat manaig na ang kapayapaan sa ating bayan.

Narito ang dasal sa wikang Filipino:

Panalangin para sa Kapayapaan sa Pilipinas

Makapangyarihang Diyos, sa Inyong habag at awa, patawarin N’yo po ang aming mga sala at ang kasalanan ng aming lipi. Kalugdan N’yo po kami sa aming pagsamo para sa aming bansang Pilipinas.

Biyayaan N’yo po ang aming mga pinuno ng karunungan, integridad, katapatan at katuwiran.

Kalingain N’yo po ang aming pamilya at ingatan ang aming mga anak. Tulungan N’yo po kaming maging matuwid na mamamayan na namumuhay nang mapayapa, matapat at may tunay na malasakit, pagtanggap at pagpapatawad.

Protektahan N’yo po ang aming bayan sa ano mang banta ng pananakop ng dayuhan at nakawawasak na impluwensya, at ipagtanggol kami sa anumang uri ng paglabag sa batas, terorismo at digmaan.

Pagkalooban N’yo po ang aming bansa ng kapayapaan, pagkakaisa at kasaganaan at hayaang maganap ang tunay na pagbabago sa aming bayan upang kami ay maging Iyong liwanag sa Asya at sa mundo. Amen.

Makiisa sa ABS-CBN at PasaLord Prayer Movement sa “Prayer for Peace in the Philippines” bukas ng Huwebes (Pebrero 7) sa 12 ng tanghali. Para sa impormasyon sa PasaLord, bumisita sa https://pasalord.org.  Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Instagram, at Twitter o bumisita sa www.abscbnpr.com.