News Releases

English | Tagalog

Shamaine, inabuso ng pamangking si Maricar sa “Ipaglaban Mo”

March 01, 2019 AT 12 : 28 PM

Shamaine Buencamino's love for her family will be put to the test when her own relatives turn against her on “Ipaglaban Mo” this Saturday (March 2).



Masusubukan ang pagmamahal sa pamilya ni Shamaine Buencamino matapos mapagkaisahan at pagkaitan ng sariling lupa sa “Ipaglaban Mo” ngayong Sabado (Marso 2).
 
 
Pinagkalooban ng lupa ng OFW retiree na si Medy (Shamaine) ang pamangking si Perla (Maricar de Mesa), at ang buong pamilya kasama ang asawang si Dado (Yul Servo) at anak na si Miguel (Jon Lucas) matapos masunugan at mawalan ng pangkabuhayan.
 
 
Naging maganda ang pagsasama sa isang tahanan nina Medy at ng pamilya ni Perla nang magretiro at manirahan ang una sa kanila. Ngunit pinagmalupitan ito nang maubusan ng ipon at trinatong pabigat sa buhay. Sinasaktan si Medy nina Perla at pinagsasalitaan ng masama kahit na ito ang nagbigay ng matutuluyan noong walang matirhan.
 
  
Nagkaroon ng pagkakataon si Medy na maibahagi ang pinagdaraanang kalupitan sa dating employer sa Korea, ang English professor na si Lara (Myla Gumila), para humanap ng tulong ipagtanggol ang karapatan. Aabot sa Korte Suprema ang laban ng magkakamag-anak, kung saan pilit na aangkinin ni Perla ang lupa at magsasabing may kasulatan silang hawak na nagsasaad na ipinagkaloob ang lupa sa kanila “in good faith.”
 
 
Ano ang magiging hatol ng korte sa mapangahas na pakikipaglaban ni Perla sa tiyahing kumupkop sa kanyang nasunugang pamilya noon? May pagkakataon pa kaya si Medy na mapayapang manalo sa kaso laban sa sakim na pamangkin?
 
 
Handog ng “Ipaglaban Mo,” ang longest-running na legal drama sa bansa, ang mga makabuluhang episode base sa totoong buhay, na maaaring mapagkuhanan ng aral. Nagbibigay rin ito ng libreng legal advice linggo-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.
 
 
Huwag palampasin ang “Ingrata,” sa direksyon ni Ian Loreños, ngayong Sabado (Marso 2), pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.