News Releases

English | Tagalog

Mga Kapamilya, nanguna sa pag-kampeon sa media literacy sa Pinoy Media Congress Year 13

March 14, 2019 AT 06 : 25 PM

Journalists and media executives came together to champion media literacy for future industry practitioners, teaching the students how to spot fake news, fact-check the elections, and emphasize the core principles of journalism at the Pinoy Media Congress Year 13 mounted by ABS-CBN and the Philippine Association for Communication Educators (PACE) recently.

Higit 1,000 mag-aaral,  natuto mula sa mga eksperto sa media ng ABS-CBN

 
Nagsama-sama ang ilang batikang mamamahayag at mga lider sa media sa pagtuturo ng kahalagahan ng malawak na kaalaman at malalim na pagintindi sa media sa mahigit isang libong estudyanteng lumahok sa “Pinoy Media Congress Year 13” ng ABS-CBN at ng Philippine Association for Communication Educators (PACE) kamakailan lang.
 
Nanguna sa pagbahagi ng kanilang nalalaman at pananaw sa iba’t ibang isyu at gawain sa media sina ABS-CBN head of news and current affairs Ging Reyes, mga broadcast journalist na sina Karen Davila, Chiara Zambrano, at Migs Bustos, ABS-CBN News head of Futures, Practices, and Standards Chi Almario-Gonzalez, at ang ABS-CBN News public service head na si Rowena Paraan, na tinuruan ang mga delegado sa tamang pagsusuri ng balita, masusing pag-tingin sa mga impormasyon tungkol sa eleksyon, at mga prinsipyo sa journalism.
 
Paalala nina Ging at Chi, kailangang maging tapat sa standards at ethics ng pamamahayag upang masigurong tama at totoo ang binabalita. Ang kanilang pagkapit sa mga prinsipyong ito, anila, ang siyang nag-iiba sa kanila at sa mga akda nila sa iba pang naghahatid ng impormasyong sa tradisyunal man o bagong media.  
 
Samantala, tinalakay naman ni Karen ang mga masamang epekto ng fake news at kung paano malalaman kung totoo o peke ang impormasyon sa social media. Nagbigay-diin din si Rowena sa masinsinang pagsiyasat sa mga nakikita online, lalo na sa panahon ng eleksyon.
 
Nagkuwento naman si Chiara, na kakabalik lang mula sa kanyang pag-aaral sa United Kingdom, tungkol sa mga naranasan niya habang nagbabalita sa mga giyera at labanan, tulad nang sa Marawi, kung saan ginamit niya pati social media upang ihatid ang mga kwento ng mga Pilipino roon.
 
“Maraming paraan para maghatid ng balita. Kahit anong plataporma ang gamit mo, journalist ka pa rin at ang pinakatungkulin mo ay ang maihatid ang katotohanan sa publiko,” aniya.
 
Sumama rin kay Chiara sa diskusyon tungkol sa pagiging makabagong journalist sina Preen.ph managing editor Jacque de Borja, Youngstar.ph editor Gaby Gloria, at si Migs para ikwuento sa mga mag-aaral ang iba’t ibang kakayahan na dapat dala ng isang media practitioner ngayon.
 
Samantala, ikinuwento naman ng UP College of Mass Communications professor na si Rosel San Pascual ang mga resulta ng pananaliksik niya tungkol sa epekto ng mahinahon at may respetong pag-uusap sa mga diskusyon sa online, habang ipinakita naman ni Mark Yambot ng ABS-CBN Books na marami pa rin ang nagbabasa ng libro, sa kanyang presentatsyon tungkol sa mga panibagong paraan ng pagku-kwento.
 
Sumali rin sa diskusyon tungkol sa pagagamit ng media para sa kabutihan ng lipunan ang Knowledge Channel Foundation Inc. president at co-founder na si Rina Lopez-Bautista at ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc, chair at iLove Foundation founder na si Gina Lopez.
 
Ginanap ang media congress noong March 7 at 8 sa College of Holy Spirit Manila at sa University of San Agustin sa Iloilo City sa pamamagitan ng interactive live broadcast, kung saan nagsilbing host si Gretchen Ho noong unang araw.
 
Sa 13 taong pagsasagawa nito, mahigit 10,000 estudyante na ang nagkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa media at nabigyan ng inspirasyon sa larangang nais nilang pasukin mula sa mga nakilahok na media practitioners at mga eksperto sa industriya sa PMC.