The TNT Boys are busier than ever as they start their preparations for their much-anticipated first international concert tour.
Matapos ang trending nilang pagsali sa international competition na “The World’s Best,” patuloy pang pabibilibin ng TNT Boys ang buong mundo dahil magaganap na ang kauna-unahan nilang international concert tour na pinamagatang “TNT Boys Listen: The World Tour” ngayong Abril.
Dadalhin nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez, at Francis Concepcion ang sold-out concert nila sa US at Canada upang pasiyahin ang mga Kapamilya abroad at maging ang kanilang international fans.
Mag-uumpisa ang concert sa Chabot College, Hayward California ngayong Abril 23, na susundan naman sa The Theater at Ace Hotel, Los Angeles, California sa Abril 25. Lilipad naman sila papuntang Canada ng Abril 27 at magpe-perform sa Edmonton Expo Centre, Alberta.
Para sa iba pang detalye at para mag-book ng tickets, pumunta lang sa official website ng TNT Boys na
www.thetntboys.com.
Samantala, muli na namang pinatunayan ng TNT Boys ang galing nila sa pag-awit sa latest cover nila ng “A Million Dreams” mula sa pelikulang “The Greatest Showman.” Kasalukuyan nang may higit sa isang milyong views na ito sa YouTube at naging trending din sa naturang video streaming site. Binigyan din nila ng Pinoy twist ang kanta sa pagsama nila rito ng Hiligaynon lullaby na “Ili-ili Tulog Anay.”
Sunod-sunod na nga ang pagkilalang natatanggap ng TNT Boys sa ibang bansa. Bukod sa pagsali sa “The World’s Best,” napanood na rin sila sa international TV shows gaya ng “The Late Late Show with James Corden,” kung saan naka-duet nila si Ariana Grande, at media outlets gaya ng BBC, Extra TV, at CBS Los Angeles.
Isa lamang ang TNT Boys sa Pinoy artists na matagumpay na kinikilala sa iba’t ibang bahagi ng daigdig sa patuloy na pagtataguyod at pagbabahagi ng ABS-CBN ng talento ng mga Pilipino sa buong mundo.
Unang nakilala sina Mackie, Keifer, at Francis bilang grand finalists ng “Tawag ng Tanghalan Kids” at nabuo bilang grupo noong 2017. Matinding galing sa pag-awit ang kanilang ipinamalas na nagdala sa kanila sa iba’t-ibang panig ng mundo, kabilang na sa “Little Big Shots” UK, US, at Australia, at nakapag-perform na rin sila sa harap ng iba’t-ibang head of states gaya nina Pres. Rodrigo Duterte, Singaporean president Halimah Yacob, at Papua New Guinea prime minister Peter O’ Neill. Sila rin ang itinanghal na grand winner ng ikalawang season ng “Your Face Sounds Familiar Kids.”