News Releases

English | Tagalog

Tapang at samahan ng mga bombero, “aalab” ngayong Sabado sa ABS-CBN

March 26, 2019 AT 10 : 33 AM

ABS-CBN’s multi-awarded DocuCentral team celebrates the courage and camaraderie of Filipino firefighters in the special documentary “Alab” airing on Saturday (March 30) at 5:15 pm on ABS-CBN.

Buhay ng bombero, ilalahad ng ABS-CBN DocuCentral

Ang pagpatay sa sunog at pagligtas sa buhay at mga ari-arian ang isa sa pinakamahirap at peligrosong gawain. Pero hindi pa rin natitinag ang ilang mga Pilipino na boluntaryong sumasagupa sa apoy at isinasangalang-alang ang buhay nang walang hinihintay na anumang kapalit.

Ngayong Sabado (Marso 30) ng 5:15 pm sa ABS-CBN, ipagdiriwang ng ABS-CBN DocuCentral ang katapangan at samahan ng mga Pilipinong volunteer firefighter sa espesyal na dokumentaryong pinamagatang “Alab.”

Susundan ng dokumentaryo ang mga bombero sa kanilang pagresponde sa mga insidente ng sunog ngayong fire prevention month sa Pilipinas. Gamit ang mga footage mula sa helmet at body cameras, at mga file video, na kinunan habang lumalaban sila sa apoy, masasaksihan ng mga manonood ng malapitan kung paano inaapula ang sunog. Makikita rin sa “Alab” ang kapatiran ng mga volunteer at ang mga emosyong kanilang dinadala sa bawat pagsubok na makaligtas ng buhay at magsalba ng kanilang mga kasama.

Tampok sa pinakabagong handog ng ABS-CBN DocuCentral ang kwento sa likod ng trahedya noong 1997, kung saan apat na volunteer firefighters ang pumanaw sa pagresponde sa sunog sa isang pabrika ng damit. Isa sa kanila ang 20 anyos na volunteer ng Caloocan City Filipino Chinese Fire Prevention Association na si Mark Steven Relucio. Sa mga isinulat niya sa kanyang diary, sa mga panayam sa mga naiwan niyang kasamahan, at sa mga balitang lumabas noon, makikita ang saya at pighati na kaakibat ng kanilang pagsisilbi bilang volunteer firemen.

Kabilang ang “Alab” sa mga dokumentaryong itatampok sa “DocuCentral Presents,” na ipapalabas sa ABS-CBN sa ilang magkasunod na Sabado, simula Marso 30. Noong 2018, tumanggap ang documentary team ng Kapamilya network ng sari-saring prestihiyosong pagkilala kabilang ang Gold World Medal sa New York Festivals (NYF) at Gold Dolphin sa Cannes Corporate Media and TV Awards para sa “’Di Ka Pasisiil” na ginawa nila kasama sina Jeff Canoy at Chiara Zambrano. Tumanggap din ang DocuCentral ng Silver World Medal sa NYF para sa docu series na “Local Legends.”

Panoorin ang “Alab” ngayong Sabado (Marso 30) ng 5:15 pm sa ABS-CBN at ABS-CBN HD sa TV at online sa iWant.ph at skyondemand.com.ph. Para sa mas maraming impormasyon, sundan ang @DocuCentral sa Facebook at Twitter. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Instagram, at Twitter o bumisita sa abscbnpr.com.