News Releases

English | Tagalog

Folayang at Belingon, mangunguna para sa 'Pinas sa "ONE Championship: A New Era" sa ABS-CBN S+A

March 27, 2019 AT 06 : 29 PM

Reigning ONE Lightweight World champion Eduard Folayang and ONE Bantamweight king Kevin Belingon of Team Lakay headline the Filipino contingent in ONE Championship’s massive Tokyo fightcard dubbed “A New Era,” which will air LIVE on multiple media platforms on Sunday (March 31) at 6 pm.

ABS-CBN Sports, ipapalabas ang bigating labanan LIVE sa TV at online

Mangunguna sina ONE Lightweight world champion Eduard Folayang at ONE Bantamweight world champion Kevin Belingon ng Team Lakay sa mga Pilipinong sasabak sa Tokyo fightcard ng ONE Championship na binansagang “A New Era,” na mapapanood ng LIVE sa iba-ibang plataporma ng ABS-CBN Sports sa Linggo (Marso 31) ng 6 pm.
 
Sa unang pagkakataon, sabay-sabay mapapanood ang isang ONE Championship event sa ABS-CBN S+A at S+A HD, sa ABS-CBN Sports Facebook page, sports.abs-cbn.com, at iWant Sports. Gaganapin ang ONE Championship “A New Era,” ang unang ONE event sa Japan, sa Ryogoku Kokugikan stadium tampok ang apat na pagdepensa ng mga titulo nina Folayang, Belingon, ONE Middleweight champion Aung La N Sang, at reyna ng ONE Women’s Strawweight division na si Xiong Jing Nan.
 
Pamilyar na sina Folayang (21-6, 6 KOs) at Belingon (20-5, 8 KOs) sa mga makakalaban na pareho na nilang tinalo noon. Matagal na panahon ang hinintay ng madirigmang binasagang “Landslide” sa muling paghaharap nila ng tinuturing na bayani ng Japan sa mixed martial arts na si Shinya “Tobikan Judan” Aoki (42-8, 26 submissions), na inagawan niya ng korona noon. Samantala, makakalaban naman muli ni Belingon sa isang rematch si Bibiano “The Flash” Fernandes (22-4, 8 submissions), ang kinatatakutang submission artist mula Brazil na kanyang tinalo noong nakaraang taon.
 
Para sa natitirang dalawang kampeon ng Team Lakay, pagkakataon na ito para maalis ang mapait na lasa ng pagkatalo sa simula ng taon dahil sa pagkakatalo ng kanilang mga kasama na sina Joshua “The Passion” Pacio at Geje “Gravity” Eustaquio kontra kina Yosuke Saruta at Adriano Moraes.
 
Sa ibang laban naman, kaabang-abang ang pagdepensa ni Aung La N Sang ng kanyang titulo kontra kay Ken Hasegawa ng Japan, habang papatunayan namani ni Xiong Jing Nan, na binansagang “Panda,” na siya ang pinakamalakas sa mga amazona ng ONE Championship laban sa dating kampeon na si Angela Lee.
 
Hindi naman pahuhuli ang batang miyembro ng Team Lakay na lumalaban sa flyweight division na si Danny Kingad na sasabak kontra kay Senzo Ikeda para sa ONE Flyweight World Grand Prix.
 
Huwag palampasin ang mga bigating laban ng mga Pinoy na sina Eduard Folayang, Kevin Belingon, at Danny Kingad sa pinakamalaking kartada ng ONE Championship sa Japan na tinaguriang “A New Era,” na mapapanood ng LVIE sa S+A at S+A HD mula sa maalamat na Ryogoku Kokugikan stadium sa Tokyo, Japan simula 6 pm. Mapapanood rin ito sa ABS-CBN Sports Facebook page at sports.abs-cbn.com pagkatapos ng mga laro sa UAAP Volleyball, habang magsisimula naman ang livestream nito ng 5:30 pm sa iWant Sports.
 
Para sa mga karagdagang istorya at balita sa ONE Championship, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE