News Releases

English | Tagalog

Arci at Pepe, maghahatid ng out-of-this-world kilig at katatawanan sa "John en Martian" ng iWant

April 11, 2019 AT 01 : 30 PM

Arci Muñoz is an alien and Pepe Herrera is human in iWant's sexy romcom.

Ibang klaseng kilig at katatawanan ang handog nina Arci Muñoz at Pepe Herrera bilang isang alien at isang tao na magmamahalan sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba sa bagong iWant original series na “Jhon en Martian.”
 
Simula Abril 14, mapapanood na sa iWant ang five-episode romantic comedy series tampok ang nakakatuwang love story nina 223 (Arci) at Jhon (Pepe) na pagtatagpuin ng tadhana dahil sa kagustuhan nilang takasan ang kanya-kanyang buhay.
 
Lihim na iiwan ni 223, isang Martian princess, ang planetang Mars upang iwasang makasal sa lalaking hindi niya gusto. Mapapadpad naman siya sa Earth na walang alam tungkol sa pamumuhay ng mga nakatira rito. Isang masipag at mabait namang delivery guy si Jhon, na papayag na gawin ang huli niyang delivery request bago niya tuluyang lisanin ang bansa para magtrabaho sa Malaysia, kung saan niya balak na magsimulang muli.
 
Sa hindi inaasahang pagkakataon, susundan ni 223 si Jhon sa paniniwalang nasa delivery box ng binata ang spaceship niya. Aabot ang tagpo hanggang sa airport kung saan mag-aaway ang dalawa, dahilan kung kaya’t hindi makakasakay si Jhon sa flight niya.
 
Dahil sa paniniwalang sadyang malas siya sa buhay at wala nang mawawala pa sa kanya, tutulungan ni Jhon si 223 na mahanap ang spaceship nito.
 
Magkasamang tatahakin ng dalawa ang kanilang misyon para lamang makabalik na sila sa dati at ordinary nilang mga buhay, ngunit kalauna’y mahuhulog din ang loob nila sa isa’t isa.
 
Mangyayari ang lahat ng ito matapos halikan ni 223 si Jhon sa labi – na kung tawagin ay Mars Intergalactic Oral Transference (IOT) – na siyang magbibigay ng kakayahan kay 223 na makapagsalita at makaintindi ng Filipino.
 

Matutunan kaya nina Jhon at 223 na pagkatiwalaan at mahalin ang isa’t isa sa kabila ng kanilang pagkakaiba? Paano nila ipaglalaban ang kanilang pag-ibig sa kabila ng paghahadlang dito ni Queen 222 (Rufa Mae Quinto), ang Queen Mother of the Royal Empire of Mars?
 
Ang “Jhon en Martian” ay idinirek ni Victor Villanueva, na siya ring director ng critically acclaimed film na “Patay na si Hesus.” Ipinrodus naman ito ng Dreamscape Digital, Quantum Films, at Project 8 Corner San Joaquin Projects.
 
Kabilang naman sa cast sina Mon Confiado, Jojo Alejar, Aiko Climaco, Jelson Bay, Joel Saracho, Ge Villamil, Dolly De Leon, TJ Valderama, Emman Nimedez, Kedebon Colim, at GB Labrador.
 
Mula sa paggawa ng mga teleserye sa telebisyon na minahal at tinutukan ng mga Pilipino, panibagong yugto sa pagbibigay ng mga de-kalibreng pelikula ang tatahakin ng Dreamscape Entertainment sa Dreamscape Digital, na siya ring nasa likod ng “Glorious,” “The Gift,” “Apple of My Eye,” “Project Feb. 14,” at “Bagman.”
 
Panoorin ang “Jhon en Martian” nang libre simula Abril 14 sa iWant sa iOS o Android apps o sa web browser sa iwant.ph. Mas maraming manonood na rin ang makakapag-enjoy sa latest offerings ng iWant dahil maaari na itong i-connect sa TV gamit ang Chromecast at Apple Airplay.
 
Ang iWant ay kabilang sa digital initiatives ng ABS-CBN na nagpapatunay sa patuloy nitong pag-transition bilang isang digital company dahil sa patuloy na paglawak ng online presence nito at pagdami ng digital properties.
 
Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, i-follow @iwant sa Twitter at @iwantofficial at @dreamscapedigital sa Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantPH.