Ted Failon returns with the second part of a special report on the state of Manila Bay, one the Philippines’ most beautiful and popular natural harbors, this Saturday (April 13) on “Failon Ngayon” on ABS-CBN.
Rehabilitasyon o Reklamasyon?
Muling babalik si Ted Failon sa Manila Bay ngayong Sabado (Abril 13) sa “Failon Ngayon” para sa isang dokumentaryo na tatalakay sa kabi-kabilang isyu sa rehabilitasyon at reklamasyong isasagawa rito.
Noong Enero, binuksan ng programa ang diskusyon sa pagbabalik ng dating ganda ng Manila Bay na kinikilala bilang isa sa pinakasikat na natural na daungan sa bansa at dineklata rin na isa sa key biodiversity area sa Pilipinas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa kabila kasi ng mga hakbang sa paglilinis sa Manila Bay tulad ng pagpapasara ng mga establisyimento na lumalabag sa batas pang-kalikasan at sunod-sunod na clean-up, mayroon namang mga proyektong naaprubahan na maaaring makasira lalo rito.
Halos siyam na libong ektaryang reclamation projects kasi sa mga baybayin ng Manila Bay ang balak na itayo. Isa na nga rito ang may pahintulot nang magsimula ang konstruksyon. Habang may lima pang nakakuha ng Environmental Compliance Certificate.
Ayon sa mga Pilipinong siyentipiko, may masamang epekto sa kalikasan at komunidad sakaling mag-tambak ng lupa sa Manila Bay at patayuan ng nagtataasang gusali. Tulad na lamang ng land subsidence o pagbaba ng lupa, storm surge at mga pagbaha. Sakaling lumindol, maaari ring malaki ang sakunang mangyari sa mga reclaimed areas.
Bukod rito, hindi pa rin kumpleto ang ginagawang sewerage treatment plant ng water concessionaires para saluhin ang mga maruming tubig.
Samahan si Ted, na pinarangalan kamakailan lang bilang Most Trusted Radio Presenter sa 2019 Reader’s Digest Trusted Brands Awards, sa “Manila Bay: Rehabilitasyon o Reklamasyon, Ika-2 Yugto Failon Ngayon Special Documentary” ngayong Sabado (Abril 13), 11 pm ng gabi sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Manood online sa skyondemand.com.ph o iwant.ph. Makibahagi sa diskusyon sa Facebook (@failon.ngayon.fanpage) o Twitter (@Failon_Ngayon). Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Twitter, Instagram, at Facebook o bumisita sa
www.abscbnpr.com.