News Releases

English | Tagalog

Red Bull Cliff Diving, mapapanood sa ABS-CBN S+A

April 17, 2019 AT 09 : 26 AM

Mga kahindik-hindik na paglundag sa dagat ng El Nido…

May bagong aabangan ang mga sports fan sa ABS-CBN S+A sa pagpapalabas ngayong Linggo (Abril 21) ng aksyon mula sa unang leg ng Red Bull Cliff Diving World Series na ginanap sa bansa kamakailan lang.
 
Dalawampu’t tatlong mahuhusay na diver mula sa 18 bansa ang tumalon at tumambling sa ere mula sa matataas na lugar sa El Nido Palawan para umpisahan ang ika-11 na season ng kompetisyon. Nanguna sa men’s division ang kampeon noong 2018 na si Gary Hunt, na pitong beses na ring nagwawagi sa kompetisyon, sa iskor na 427.25 points. Sinundan ang pambato ng Great Britain nina Constantin Popovici ng Romania na pumuntos ng 409.4, at Jonathan Paredes ng Mexico, na pumangatlo sa puntos na 408.05.
 
Namamayagpag naman sa Women’s World Series ang reyna nitong si Rhiannan Iffland ng Australia na may 329.25 na puntos. Dinaig niya si Yana Nestsiarava ng Belarus na may 319.35 na puntos, at
Lysanne Richard ng Canada na may 309.7 puntos. Napanood ang kompetisyon ng live sa iWant Sports, ang sports section ng streaming device ng ABS-CBN na iWant.
 
Nagsimula ang Red Bull Cliff Diving World Series noong 2009 kung saan ibinida nito ang kakaibang kakayahan ng mga atleta sa diving. Tinitignan ng mga hurado ang galing at husay ng pagtalon, pwesto sa ere, at pagbagsak sa tubig ng mga kalahok. Sa tagumpay ng event, sinimulan rin ang Women’s World Series noong 2014.
 
Sunod na lilipad ang mga diver ng Red Bull Cliff Diving World Series sa Ireland, Italy, Portugal, Lebanon, Bosnia at Herzegovina, at Spain sa pagpapatulong ng kompetisyon. Panoorin ang kanilang naging laban sa El Nido, Palawan sa S+A sa darating na Linggo (Abril 21) sa ganap na 6 pm.
 
Para sa karagdagang impormasyon at mga kwento tungkol sa Red Bull Cliff Diving World Series, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.