News Releases

English | Tagalog

"Idol Philippines," agad pumalo sa 100,000 YouTube subscribers

April 23, 2019 AT 12 : 28 PM

Mainit na sinalubong ng online world at ng home viewers ang pag-uumpisa ng “Search for the Idol Philippines” noong Linggo (Abril 21), kaya naman nanguna ito sa national TV ratings at nagtala ng record bilang pinakamabilis na ABS-CBN show na pumalo sa 100,000 YouTube subscribers noong weekend.

Nakuha ng bagong reality talent show ang bilang ng subscribers 18 oras lamang matapos umere ang pilot episode nito, at nakatakdang gawaran ng Silver Creator Award mula sa YouTube. Samantala, umabot naman na sa higit 6 milyon ang total views ng apat na audition clips sa loob lamang ng 24 oras.

Lalo pa itong gumawa ng ingay online nang maging number one trending video ang performance ng idol hopeful na si Angie Kristine sa pag-ani nito ng 1.8 milyong views isang araw matapos itong i-upload.

Naging top trending topic naman ang opisyal na hashtag nito na #IdolPhilippines at ang related trending topics na #IdolPHRegineV, #IdolPHJudgeVice, #IdolPHJudgeMoira, #IdolPHJudgeJames at maging ang pangalan ng idol hopefuls sa Twitter.

Ibinahagi ng netizens ang labis nilang pagkasabik at kanya-kanyang papuri para sa unang episode ng palabas.
“I think the reason why James and Moira were judges is because singers now have evolved so much. The genres are all different. It’s no longer ‘birit lang nang birit,’” tweet ni @Markie54439830.

“I wanna congratulate ABS-CBN and the entire crew and staff for a very successful pilot episode! Kudos to the director and the cinematographers for the upgrade in terms of shots and angles,” komento naman ng YouTube user na si Alcey Sassy.

“We watched last night and I think we want more kaya excited na kami sa mga next episode. We're so proud of bumbum James kaya nandito kami until manalo who's destined to be the Idol Philippines,” papuri naman ng Facebook user na si Nikki Alexis.

Samantala, nagkamit ang palabas ng national TV rating na 30.6%, o 17.4 na puntos na lamang kumpara sa katapat nitong programa na “Studio 7,” na nakapagtala lamang ng 13.2%, ayon sa datos ng Kantar Media.

Sa susunod na linggo, mas maraming idol hopefuls pa ang sasalain at haharap sa mga hurado upang makatuntong sa Idol City. Sino nga kaya sa kanila ang papalarin pang makakapasok?

Panoorin ang idol hopefuls sa pagkamit ng kanilang pangarap sa “Search for the Idol Philippines” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.