Viewers nationwide tuned in to the exhilarating premiere of ABS-CBN’s newest crime-drama series “Sino Ang Maysala?: Mea Culpa” after it recorded a national TV rating of 22.2% on Monday (April 29).
Agad na kinapitan ng mga manonood sa bansa ang pinakabagong Kapamilya primetime serye na “Sino Ang Maysala?: Mea Culpa” matapos magtala ang unang episode nito ng national TV rating na 22.2%, ayon sa datos ng Kantar Media.
Dahil sa kapanapanabik na eksena kung saan nagsimula na ang pagtakas ng anim na magkakaibigan mula sa isang krimen, nagwagi ang episode laban sa kalabang programa nitong “Love You Two” na nagkamit lang ng 13.9%.
Bukod sa telebisyon, marami rin ang sumubaybay online sa pagsisimula ng serye kaya naman pumwesto ang hashtags na #SAMGabiNgKrimen at #SinoAngMaySala sa top trending topics ng Twitter. Sa katunayan, tinawag pa ito ng ilang netizens na “super intense,” “bold,” “exciting, at “a masterpiece.”
Pinasilip sa episode ang buhay ng law students na sina Juris (Bela Padilla), Andrei (Tony Labrusca), Gaylord (Sandino Martin), Greco (Kit Thompson), Lolita (Ivana Alawi), at Bogs (Ketchup Eusebio) at ang pagdiriwang nila sa Baguio matapos pumasa ang lima sa kanila sa bar.
Sa kalagitnaan ng kanilang pagsasaya, nauwi sa aksidente ang kanilang road trip nang mabangga at mapatay nila ang isang babae. Matapos magtalo kung iiwan ba nila ang bangkay o pananagutan ang krimen, boboto ang karamihan sa kanila na ilibing na lang ito kasama ang katotohanan.
Sa pagpapatuloy ng kwento, magkakasundo ang magkakaibigan na kupkupin sa ilalim ng pangangalaga ni Juris ang sanggol na dala-dala ng kanilang biktima – ang nawawalang anak ng magsasakang si Fina (Jodi Sta. Maria).
Sa paglipas ng panahon, paano poprotektahan ng magkakaibigan ang kanilang madilim na sekreto? Mahanap pa kaya ni Fina ang kanyang anak?
Subaybayan ang Kapamilya seryeng “Sino Ang Maysala?: Mea Culpa” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin
ang www.abscbnpr.com.