Sanhi ng matinding selos, tatakbo si Ria Atayde sa isang albularyo para humingi ng tulong ngayong Sabado (Abril 6) sa “Ipaglaban Mo.”
Isang dating barangay beauty queen si Lily (Ria) ngunit magsimulang pabayaan ang saruling itsura nang mapang-asawa si Gimo (Vin Abrenica) at magkaroon ng dalawang anak.
Titindi ang kanyang paranoya nang magsimulang umuwi ng hatinggabi ang asawa, mag-text ng patago, at i-lock ang sariling cellphone. Dahil sa takot na iwan ng asawa para sa ibang babae, mapipilit ito ng kaibigang Aya (Dona Cariaga) upang kumonsulta sa isang “albularyo.”
Sa kabila ng pag-aalinlangan ng inang si Roma (Olive Isidro), dahil sa matinding selos at paniniwala sa mga pamahiin, kokonsulta si Lily sa sikat na albularyong si Pedring (John Arcilla). Matitipuhan ni Pedring si Lily at mamanipulahin ito upang mapaniwalang may ibang ka-relasyon ang asawa.
Uutusan nito si Lily na pumunta sa isang liblib na kweba kung saan gagawa si Pedring ng “love potion” na magpapanumbalik diumano sa nawalang sigla ng buhay ng mag-asawa.
Habang ginagawa nila ang ritwal, manghihina at mawawalan ng malay si Lily. Pagsasamantalahan ni Pedring at gagahasain ang walang kalaban-labang si Lily. Sasasabihin ng albularyo na gagamutin nito ang paglamlam ng relasyon nila ni Gimo at iibsan ang sakit ng nadurog na puso nito.
Nang manumbalik ang katinuan, aaminin ni Lily ang nangyari sa asawang si Gimo. Magsasampa ng kasong panggagahasa ang mag-asawa laban sa albularyong si Pedring. Magdidilim ang paningin ni Gimo, mawawalan ng pagpipigil, at sususgurin nito si Pedring sa sobrang galit.
Panigan kaya ng korte si Lily na napaglaruan at minanipula ni Pedring? Mabawi pa kaya nila Lily at Gimo ang dignidad ng pamilya?
Handog ng “Ipaglaban Mo,” ang nag-iisang legal drama sa bansa, ang mga makabuluhang episode base sa totoong buhay, na maaaring mapagkuhanan ng aral.
Nagbibigay rin ito ng libreng legal advice linggo-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.
Huwag palampasin ang “Gayuma” episode ng “Ipaglaban Mo,” sa direksyon ni John Lapus ngayong Sabado (Abril 6), pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.