News Releases

English | Tagalog

Kwentong Semana Santa ng mga taga-UP, tampok sa "Class Project Winners' Festival"

April 05, 2019 AT 11 : 03 AM

What happens when traditional religious beliefs collide with reality? Students from the University of the Philippines explore this topic in the documentary “Pasan,” which details the experiences of Roger Marcos, a devout Catholic and gay man who is both revered and shunned by his community as he portrays Jesus Christ in the Lenten tradition.   “Pasan,” which recently won the top prize in ABS-CBN’s “Class Project Intercollegiate Mini-Documentary Competition,” headlines the “Class Project Winners’ Festival” airing on Knowledge Channel and iWant.

Mga dokyung gawa ng estudyante, ipapalabas ng ABS-CBN sa Knowledge Channel at iWant

Paano naitutugma ang pananampalataya sa realidad? Ito ang tema ng dokyumentaryong “Pasan” mula sa Unibersidad ng Pilipinas tungkol sa mga karanasan ni Roger Marcos, isang debotong Katoliko na gumaganap bilang Kristo tuwing Semana Santa.  
 
Mapapanood ang “Pasan,” na siyang kampeon sa “Class Project Intercollegiate Mini-Documentary Competition” ng ABS-CBN sa iWant. Umere rin ito noong ngayong Biyernes (Abril 5) ng 7:30 pm sa “Class Project Winners’ Festival” ng Knowledge Channel.
 
Gawa ng UP Mass Communication students na sina Danielle Evangelista at Danielle Tolentino, mapapanood sa dokyu ang mga pinagdadaanan ni Roger sa pagsasabuhay ng mga huling sandali ni Kristo -  mula sa pagpasan ng krus, pagtanggap ng mga hampas at bugbog, at pagpako sa krus – na isinasagawa pa rin sa iba’t ibang probinsya sa Pilipinas.  Isa itong tradisyon na minana niya sa kanyang tito, at kahit lubos ang sakit na nararanasan niya rito, wala raw ito kumpara sa mga hirap na pinagdaanan ng pamilya niya noong paalisin sila sa kanilang tirahan.  
 
Ipapakita sa “Pasan” ang pagsasalungat ng mga lumang tradisyon at makabagong paniniwala sa lipunan batay sa karanasan ni Roger, na humaharap rin sa batikos mula sa kapwa deboto dahil sa kanyang pagiging isang bakla.
 
Bukod sa “Pasan,” ipinalabas rin noong Biyernes ang “Silang Walang Daan” ng Lyceum of the Philippines University (LPU) Laguna, na nagtapos sa ikalawang pwesto sa docu contest. Tungkol ito sa kalagayan ng isang barangay sa Calauag, Quezon kung saan kailangang dumaan sa dalawang kilometro ng maputik at mabatong kalye para lang makarating sa bayan. Mapapanood ang dalawang dokyu, at ang walo pang finalist sa “Class Project” sa online sa ABS-CBN streaming service na iWant.
 
Ang “Class Project” ay proyekto ng ABS-CBN, Knowledge Channel at ng Philippine Association of Communication Educators (PACE) para suportahan ang mga estudyanteng nais pumasok sa larangan ng media. Binibigyan nito ng pagkakataon ang mga mag-aaral na linangin ang husay sa paggawa ng dokyumentaryo at madala ang kanilang mga gawa sa mas maraming manonood.
 
Nagsagawa rin ang ABS-CBN, Knowledge Channel, at PACE ng “Docu Caravan” sa University of Santo Tomas, Far Eastern University, at Holy Angel University sa Pampanga kasama sina Korina Sanchez, Jeff Canoy, at ang ABS-CBN DocuCentral team para magbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa mga estudyante.
 
Pinarangalan ang mga finalist kamakailan lang sa “Pinoy Media Congress Year 13” ng ABS-CBN sa College of the Holy Spirit Manila (CHSM). Kabilang sa mga finalist ang Pangarap na Pag-Ahon” ng LPU-Laguna, “Ukit” ng University of Santo Tomas, “KakaiBata” ng University of Makati, “Habag” ng University of Saint Louis-Baguio, “Tribu sa Syudad” ng University of Batangas, “Parangalan Letran” ng Colegio de San Juan de Letran, “Daluyong ng Sigwa” ng University of Santo Tomas, at ang third-placer na “Labay Ku” ng Far Eastern University. Tumanggap ng mga premyong P 30,000 ang kampeon, P 20,000 ang second-placer, P 10,000 ang third-placer, at P 5,000 kada grupo para sa ibang mga finalist.  
 
Panoorin ang “Class Project Winners Festival” ng Knowledge Channel, tampok ang sampung finalists ng  “Class Project Intercollegiate Mini-Documentary Competition” simula Biyernes (April 5) ng 7:30 pm, channel 5 sa ABS-CBN TVplus, SKYcable, at SKYdirect, at sa iWant.ph.
 
Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa abscbnpr.com.