Kids had a blast with Jeff Canoy and Chiara Zambrano teaching them about the finer points of documentary-making.
Inspirado ang mga estudyanteng delegado ng Pinoy Media Congress Year 13 (PMC 13) ng ABS-CBN matapos makilala ang mga premyadong mamamahayag ng Kapamilya network na sina Jeff Canoy, Chiara Zambrano, Zhander Cayabyab, at Ricky Rosales at matuto mula sa kanila sa mga ginanap na workshop sa loob mismo ng kumpanya.
Pagkatapos ang mga diskusyon sa mga isyu sa media sa unang dalawang araw ng PMC 13, nagkaroon ng pagkakataon ang mga bata na makita talaga ang ginagawa sa loob ng industriya, tulad ng pangangalap at paghahatid ng balita sa radyo at pag-gawa ng dokumentaryo mula sa mga respetadong media practitioner ng ABS-CBN.
Sa DocuCentral workshop kasama si Jeff at Chiara, nalaman nila ang mga kwento sa likod ng giyera sa Marawi at ng pagbuo ng dokyung “Di Ka Pasisiil” kay Jeff at Chiara, na nagbigay rin ng tips kung paano gumawa ng epektibong dokumentaryo.
Sa DZMM workshops naman nila natutunan kung paano mangalap at magsulat ng balita sa Radyo Patrol reporter na si Zhander, habang ipinakita naman ni Ricky ang tamang pagbabasa at paglalahad ng balita sa radyo.
Pinili namang pasukan ng ibang estudyante ang Basic Writing for TV workshop kasama ang “The Greatest Love” head writer na si Jerry Gracio, na ipinaliwanag ang pagkakaiba ng pagsusulat sa radyo, TV, at pelikula at ipinakita kung paano nila sinusulat ang mga patok na teleserye ng ABS-CBN. Hindi naman nagpahuli ang mga lumahok sa Adober Studios workshop, na natuto kung paano mas mapansin at makilala sa paggawa ng video sa YouTube.
Daan-daang delegado rin ang nakatipid sa diskwentong handog ng ABS-CBN Studio Tours at Studio XP. Ang iba naman ay nanood rin sa libreng screening ng ilang klasikong pelikula sa Dolphy Theater sa Manila, at sa University of San Agustin auditorium sa Iloilo.
Higit isang libong estudyante mula sa buong bansa ang lumahok sa ABS-CBN Pinoy Media Congress na ginanap noong Marso 7 at 8 sa College of Holy Spirit Manila at University of San Agustin sa Iloilo City gamit ang interactive live broadcast, at may limang daang delegado naman ang dumalo sa mga aktibidades noong Marso 9. Nagsilbing host si Gretchen Ho sa unang araw, habang si Robi Domingo naman sa ikalawa, kasama ang ABS-CBN reporter na si MJ Felipe bilang guest moderator.
Sa 13 taong pagsasagawa ng proyektong ito ng ABS-CBN at Philippine Association of Communication Educators, mahigit 10,000 estudyante na ang nagkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa media at nabigyan ng inspirasyon sa larangang nais nilang pasukin mula sa mga nakilahok na media practitioners at mga eksperto sa industriya sa PMC.
Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bumisita sa
www.abscbnpr.com.