Kinabibiliban na rin ng ibang lahi ang galing ng Idol hopefuls ng “Search for the Idol Philippines” matapos purihin ng iba’t-ibang foreign singers at YouTube reactors ang kanilang audition performances online.
Bagama’t kakapalabas lamang ng audition clip niya nitong Linggo (Mayo 12), agad ngang napansin ng American singing legend na si Anita Baker ang galing ni Lance Busa mula Butuan City matapos siyang i-follow nito sa Twitter at ni-retweet ang performance niya na may caption na “Soul music alive and well with our friends in the Philippines.”
Dagdag din sa mga taga-hanga niya ang isa pang American singer na si Brian McKnight na nag-follow din sa kanya sa Instagram. Pinuri rin ang nakabibilib niyang performance ng “American Idol” season 7 alumnus na si David Hernandez, at ni-repost pa ng foreign Instagram account na @theyhavetherange.
Samantala, sunod-sunod naman ang reaction videos ng foreign YouTube reactors na hindi napigilang humanga sa mahuhusay na audition performances ng Idol hopefuls.
Ilan nga sa mga ito ay ang reactor mula Music Games News channel na may 475,000 subscribers na napanganga sa performance ni Juancho Gabriel ng “Your Man” at nagsabing “it was surprising and it was different” dahil na rin sa kakaiba at malalim na timbre ni Juancho.
“She has so much emotion and she was singing from her heart,” ang sabi naman ng reactor ng Brother channel na may 442,000 subscribers para sa emosyonal na audition ni Angie Kristine na umawit ng “Jar of Hearts.”
Lubos namang nagustuhan nina Yani at Fabio na may 136,000 subscribers ang pagbirit ni Matty Juniosa ng “Natural Woman” dahil na rin sa kanyang “technique” at “sass” sa pag-awit.
Tuloy-tuloy pa nga ang auditions ngayong weekend na magpapabilib at aantig sa puso ng mga manonood. Sino-sino pa nga bang Idol hopefuls ang dideretso sa Idol City?
Samantala, patuloy namang nangunguna tuwing weekend ang “Search for the Idol Philippines.” Nitong Sabado (Mayo 11), nagtala ito ng national TV rating na 31.3%, kontra sa 16.9% ng “Daddy’s Gurl,” ayon sa datos ng Kantar Media. Noong Linggo (Mayo 12) naman, nagkamit ang reality-singing competition ng 27.8%, laban sa 14% ng “Studio 7.”
Panoorin ang idol hopefuls sa pagkamit ng kanilang pangarap sa “Search for the Idol Philippines” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang
www.abscbnpr.com.