News Releases

English | Tagalog

BVR, Magsisilbing host ng FIVB World Tour Boracay Open 2019

May 20, 2019 AT 07 : 35 AM

 

Pilipinas, nais itayo ang bandera sa buhanginan…

Muling dadalhin ng Beach Volleyball Republic (BVR) ang mainit na aksyon sa buhanginan sa FIVB Beach Volleyball World Tour Boracay Open 2019, kung saan magtatagisan ang 48 na koponan mula sa iba’t ibang panig ng mundo mula Mayo 23 hanggang Mayo 26 sa White House Beach, Boracay Station 1 at mapapanood sa isang ABS-CBN Sports platform.

Dalawampu’t walong pares ang maglalaban-laban sa Men’s Division habang 20 na koponan naman ang sasabak sa Women’s Division para sa torneo na pangalawang beses na gaganapin sa loob ng bansa.

Ngayong taon, binubuo ng tatlong pares para sa Men’s Division at lima naman para sa Women’s Division ang mga lalahok mula sa Pilipinas.

Lalaban sa Women’s Division sina Dij Rodriguez at BVR founder Bea Tan mula Negros; Genesa Eslapor at Belove Barbon ng UST; DM Demontano at Jackie Estiquia ng Iloilo; Fiola Ceballos at Patty Orendain mula Negros at Iloilo; at ang tandem nina Bernadeth Pons at reyna ng UAAP Beach Volleyball, Sisi Rondina.

Magiging kinatawan naman sa Men’s Division ang tubong Cebu na sina Jade Becaldo at Mike Abria. Makakasama nila ang magkapares na sina Ranran Abdilla at Jesse Lopez at ang koponan nina James Buytrago at Anthony Arbasto, mula National University (NU) at University of Santo Tomas (UST).

Makakakuha ng puntos ang mga mananalong koponan sa naturang torneo at magkakaroon ng pagkakataon makasali sa prestihiyosong FIVB Beach Volleyball World Tour Finals.

Isang bagong sistema ang FIVB Beach Volleyball World Tour kung saan dapat makakuha ng star points ang mga koponan mula sa 47 na torneo para makatuntong sa FIVB Beach Volleyball World Tour Finals.

Bukod sa palakasang mangyayari sa loob ng tatlong araw, pangungunahan rin ng BVR ang isang beach cleanup drive sa Boracay at Sandroots Beach Volleyball workshop kasama ang mga kabataang nais matuto pa ng husto sa sport na beach volleyball.

Napakamatagumpay na taon ang 2018 para sa BVR, na nakapagtaguyod ng siyam na tig-dalawang araw na torneo, kung saan binisita nila ang mga probinsya at magagandang dalampasigan nito tuald ng Ikthus beach, Ilocos Sur, White Beach, Puerto Galera, Sta. Ana Cagayan, Bantayan Cebu, Blue Beach Dagupan, Legaspi, Gran Ola Surigao, Lio Beach El Nido, and Dumaguete,maliban pa sa pagdaos ng National Championship tourney at FIVB Beach Volleyball World Tour leg.

Ayon kay Bea Tan, isa sa mga nagtayo ng BVR, malaking bagay ang pagtatanghal ng FIVB Beach Volleyball World Tour noong nakaraang taon at ngayong taon sa pangarap nilang kilalanin ang Pilipinas bilang sentro ng beach volleyball sa Asya.  

“Tinitignan namin itong FIVB Beach Volleyball World Tour bilang pangmatagalan na proyekto. Gusto namin, taun-taon naming gagawin ito dito sa Pilipinas para mabigyan ng oportunidad ang ating mga manlalaro at makilala rin ang Pilipinas sa mundo ng beach volleyball,” bahagi niya.

Para sa karagdagang impormasyon at iba pang mga balita, bumisita lamang sa sports hub ng ABS-CBN na sports.abs-cbn.com at sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook at Twitter. Maaari ding sundan ang @BeachVolleyballRepbulic sa Facebook at Instagram, at @bvr_ph sa Twitter. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin angwww.abscbnpr.com.