Isang masalimuot na kwento ng isang dalagang pagsasamantalahan at hahawahan ng sakit ng lalaking may pagnanasa sa kanya ang matutunghayan ng mga manonood ngayong Sabado (Mayo 11) sa “Ipaglaban Mo.”
Responsableng babae si Abi (Meg Imperial) na tumutulong sa ina sa pagiging band singer at waitress sa pubhouse na pagmamay-ari nila. Nagsisikap din siyang makatapos ng pag-aaral upang mabigyan ang pamilya ng magandang kinabukasan.
Kasa-kasama naman niya sa laban ng buhay si Hans (Jerome Ponce), ang lalaking nagpapatibok sa puso niya. Papayag siya sa alok nitong kasal, pero kahit labis pa ang pagmamahal sa nobyo, paninindigan nito ang panata na makipagtalik lamang pagkatapos ng kanilang kasal.
Pero masisira ang kanyang puri dahil pagsasamanatalahan siya ng kanyang kabandang si Mark (AJ Muhlach) na matagal na siyang pinagnanasaan. Ang masaklap pa, hahawaan siya nito ng gonorrhea, isang sexually transmitted disease, na magdadagdag sa bigat ng kanyang pinagdaraanan.
Sa kabila ng kanyang dinanas, lalaban si Abi kasama si Hans at sisiguraduhing pagbabayaran ni Mark ang karumaldumal na krimeng ginawa sa kanya nito.
Paano nga kaya makukuha ni Abi ang katarungan kanyang inaasam?
Samantala, ginawaran ang “Ipaglaban Mo” sa 17th Gawad Tanglaw Awards ng Jury Award for Television Crime Anthology noong Miyerkules (Mayo 8) sa pagbabahagi nito ng mga kwentong makabuluhan at napapanahon sa mga manonood.
Handog ng “Ipaglaban Mo,” ang nag-iisang legal drama sa bansa, ang mga kwentong base sa totoong buhay na maaring kapulutan ng aral at kaalaman ng mga manonood tuwing Sabado. Bukod sa pagpapalabas nito ng makatotohanang episodes, nagbibigay din ito ng libreng legal advice linggo-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.
Huwag palampasin ang “Ipaglaban Mo” tuwing Sabado, pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang
www.abscbnpr.com.