News Releases

English | Tagalog

Iba't ibang kwento ng Top 20 ng "Idol Philippines," kapupulutan ng aral

June 20, 2019 AT 04 : 45 PM

Itinanghal na ang top 20 Idol hopefuls ng “Search of the Idol Philippines” at bukod sa kanilang boses, pumukaw din sa puso ng mga hurado at manonood ang kanilang kwento ng pagsisikap para sa kanilang mga pangarap.

Ilan sa kanila ay lumalaban para sa  kanilang pamilya, gaya na lamang ni Denize Castillo na umaawit upang makauwi na ang magulang na OFW, pati na rin si Roque Belino na minero ng ginto at nagbabanda para sa ikabubuhay. “Nagsimula ako magmina noong maka-graduate ako ng high school. Gusto kong matupad ang pangarap ko at maiahon ang pamilya ko sa kahirapan,” kwento ni Roque.

Ang pagkakawalay naman sa ama ang inspirasyon ni Charmagne Algario sa pagsali sa kompetisyon, samantalang pinapatunayan naman ni Renwick Benito ang kanyang pagbabago matapos mawala sa tamang landas. Iniaalay naman ni Jasper Lacson ang kanyang pag-awit sa lolo niyang una lamang siyang narinig umawit noong auditions, at ang bagong kasal na si Michelle Primavera ay inihahandog naman sa asawa ang kanyang laban.

May mga kalahok ding nagsisikap na iangat ang bandera ng LGBTQ+ community tulad nina Jeremiah Torayno, isang transgender woman. “Ever since bata ako, alam ko nang may unique sa sarili ko. Mahalaga po ito sa akin dahil natakot ako noon mag-try kasi baka hindi magustuhan ng tao, pero ngayon I think I'm ready,” sabi ni Jeremiah sa harap ng judges. Kasama niya sa pagpapakita ng kahalagahan ng pagiging totoo ang LGBTQ+ members din na sina Matty Juniosa na umaawit para sa ina; Elle Ocampo, ang lesbian artist mula Pampanga; Lucas Garcia na loud and proud gay singer; at Enzo Almario na isang vlogger.

Bagama’t ilang singing contest na ang sinalihan, hindi naman sumusuko sina Trish Bonilla na sinisikap pa ring ipaglaban ang pangarap kahit pumipigil ang ina, at Zephanie Dimaranan na patunay na hindi hadlang ang murang edad para makipagsabayan. Matapos makipagsapalaran abroad, muling susubok si Lance Busa na tuparin ang pangarap na maging singer sa sariling bansa. Muli namang masisikap ni Dan Ombao abutin ang pangarap matapos mawala ang natamasang unang ningning ng bituin, “Dumating sa point na nasilaw ako. Napariwara 'yung career ko. Nawala 'yung pagkanta ko, hindi na ako nakapagsulat ng kanta. Ngayon matured na ako, mas focused.”

Papatunayan naman ng mga naging biktima ng bullying na sina Fatima Laguera at Kevin Hermogenesna na hindi hadlang ang salita ng mga tao para manalo sa kompetisyon. Dala-dala naman ng youth ambassadress na si Rachel Libres, honor at model student na si Sheland Faelnar, at songwriter mula US na si Miguel Odron ang kanilang pangarap at buong tapang na haharap sa bawat pagsubok.

Ngayon ngang Sabado (Hunyo 22) at Linggo (Hunyo 23), mas titindi na ang laban dahil umpisa na ng Solo Rounds. Mula 20, 12 na Idol hopefuls na lamang ang magpapatuloy patungong live rounds ng kompetisyon. Sino nga kaya sa kanila ang makakapasok sa top 12?

Samantala, isang tagumpay ang nakamit ng “Search for the Idol PhilippineS” matapos pumalo sa higit 1 milyong subscribers ang official YouTube channel nito at gagawaran ng Gold Creator Award mula sa video streaming service.

Panoorin ang idol hopefuls sa pagkamit ng kanilang pangarap sa “Search for the Idol Philippines” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.