News Releases

English | Tagalog

Interes ng pamilyang Pilipino, isinusulong ng DZMM sa “Kapamilya Konek” at “Good Vibes”

June 26, 2019 AT 04 : 32 PM

DZMM continues to look after the interest of Filipino families through programs that provide them information and assistance to enrich their lives with knowledge, wellness, and happiness. Two of these shows are “Kapamilya Konek” with anchors Jing Castaneda and Susan Afan, and “Good Vibes” with Niña Corpuz, Dra. Luisa Ticzon-Puyat, and Ahwel Paz, that both raise and address the needs and concerns of the family.


 
Patuloy na pinangangalagaan ng DZMM ang pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng mga programang naghahatid ng impormasyon at tulong para sa kanilang kaalaman, kalusugan, at kasiyahan.

Dalawang halimbawa riyan ang ang “Kapamilya Konek” nina Jing Castaneda at Susan Afan, at “Good Vibes” nina Niña Corpuz, Dra. Luisa Ticzon-Puyat, at Ahwel Paz, na parehong isinusulong ang interes ng buong pamilya sa kani-kanilang programa.

Ayon kay Jing, isang beteranang mamahayag na kilala rin bilang “Mommy Jing” dahil sa kanyang aktibong pagtalakay sa mga usaping pamilya, mahalagang may programang tulad ng “Kapamilya Konek” na gagabay sa mga Pilipino sa pagharap sa iba-ibang isyung nakaaapekto sa kanila.

“Hindi na simple ang maging magulang ngayon. Kailangang armado ka ng mga impormasyon para tiyak na mananatiling malusog at ligtas ang iyong mga anak, at buo at masaya ang iyong pamilya,” ani Jing, na siya ring namumuno sa Bantay Bata 163 ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc. (ALKFI).

Kaya naman sa programa, pinaguusapan nila ni Susan, ang managing director ng ALKFI, maski maseselang paksa tulad ng mental health, HIV, at mga pinagaawayan sa pamilya para magkaroon din ng hustong kaalaman ang mga Pilipino kung paano haharapin o sosolusyunan ang mga ito. “Walang panahon ang mga usaping pamilya. Kaya lagi rin kaming nandito para gumabay at magbigay sa mga tao ng impormasyon at inspirasyon,” ani Susan.

Samantala, bukod sa maganda at positibong balita, hatid rin ng “Good Vibes” ang direktang tulong para sa kalusugan ng mga tao.

“Naniniwala kami na nagsisimula ang tagumpay ng bansa kapag malusog ang bawat Pilipino. Kaya may segment kami kung saan nakapagbibigay ng libreng konsultasyon ang magagaling na doktor, lalo na sa mga kababayan natin sa malalayong lugar,” ani Niña, na isang premyadong mamamahayag.

Dagdag pa ni Dra. Luisa, na nakakasama sa programa tuwing Miyerkules at Huwebes, itinatampok din nila ang mga karaniwang taong tunay na dapat hangaan.

“Sa dami po ng mga masasamang balita na atin pong nababasa o napapanood, ang programa po namin ang narito para magbalita naman ng mga good news at mga kwentong magpapasaya, mag-iinspire, magtuturo ng kabutihan, at magpapakilala sa atin sa mga bagong bayani sa lipunan,” aniya.

Tuwing Biyernes naman nakakasama sa diskusyon si Papa Ahwel na may mga bagong babaunin sa programa bukod sa mga nakakatuwang ideya sa mga pwedeng gawin ng pamilya sa weekend. “’Yun bang mga nakaka-good vibes naman sa mga artista. Kasi ‘di ba maraming fans ang mas masisiyahan kung may mga balitang good vibes sa mga idolo nila,” paliwanag niya.
 
Sa pagdiriwang ng ABS-CBN sa ika-65 taon nito, aasahang mas lalo pang paiigtingin ang pagbabalita at paglilingkod ng “Kapamilya Konek” at “Good Vibes” at ng iba pang programa sa DZMM. Napakikinggan sa DZMM Radyo Patrol 630 at napapanood sa DZMM TeleRadyo ang “Kapamilya Konek” tuwing Linggo ng 5 pm, samantalang Lunes hanggang Biyernes naman ng 1 pm ang “Good Vibes.” Mapakikinggan at mapapanood din ito online sa pamamagitan ng audio streaming sa dzmm.com.ph at livestreaming sa iWant.

Para sa balita, sundan ang @DZMMTeleRadyo sa Facebook at Twitter o pumunta sa dzmm.com.ph o. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa abscbnpr.com.