Ang pagbibigay-pugay ng “MMK” noong Sabado (Hunyo 22) sa katapangan ng mga sundalong Pilipino ay umani ng pinakamataas nitong rating sa buong taon at nanguna rin sa trending topic sa social media.
Nagtala ang episode ng 30.8%, o higit dobleng lamang kumpara sa “Magpakailanman” na nakakuha lang ng 14.6%. Nanguna rin ang official hashtag ng palabas na #MMKMedalOfValor sa Twitter matapos ibahagi ng netizens ang kanilang papuri para sa palabas.
Sa pagganap ni Joshua Garcia bilang ang sundalong si Ian Paquit na buong tapang na nagbuwis ng buhay noon sa Zamboanga siege noong 2013 para sa kapayapaan, ipinakita ang kwento ng sakripisyo, katapangan, at pagmamahal ng mga sundalo para sa bansa, kahit pa kapalit nito ang sarili nilang buhay.
Pinakita rin ng ng nasabing episode ang sakit at sariling sakripisyo ng mga magulang ng mga sundalo sa madamdaming pagganap ni Janice de Belen bilang ina ni Ian na si Teba. Labis na pangangamba para sa buhay ng anak ang kanyang dinanas araw-araw mula nang umalis ito para lumaban sa Mindanao.
“Kakapanood ko lang ng latest episode ng ‘MMK’... First 16 mins naiyak na ako. Kudos at salamat sa’yo Private First Class Ian Paquit! At sa lahat po ng Sundalo ng ating bayan! Hindi sapat ang salita para pasalamatan ang katapangan at pagmamahal niyo sa Pinas,” papuri ni @escmanalad.
“Kinikilabutan ako sa ‘MMK’ episode ngayong gabi. Ang galing ng cast lalo na si Joshua Garcia at Janice De Belen,” tweet naman ni @cheeksjeanny.
“Kudos kay Joshua sa pagbigay ng hustisyo sa role niya. Deserve niya pa ng mas marami sa kung anong meron siya ngayon,” dadag pa ni @tavvias.
Sinundan ng “MMK” episode na ito ang naunang pagbibigay pugay ng ABS-CBN sa sundalong Pilipino, kung saan isang engrandeng pasasalamat ang inihandog sa halos 500 na sundalo sa “Saludo sa Sundalong Pilipino” noong Biyernes (Hunyo 21) na ginanap sa Camp Guillermo Nakar, Lucena. Sinalubong sila ng iba’t-ibang sorpresa mula sa mga sikat na Kapamilya stars at nag-uwi ng mga espesyal na papremyo.
Ito na ang ikatlong taon ng “Saludo sa Sundalong Pilipino” na una nang ginanap sa AFP Medical Center sa Quezon City at Fort Magsaysay sa Nueva Ecija noong 2017 at Armed Forces of the Philippines (AFP) Northern Command sa Tarlac noong 2018.